Magandang panimula sa Tanduay
MANILA, Philippines – Maalab na panimula ang ginawa ng Tanduay Light Rhum Masters nang dominahin ang Jumbo Plastic Giants, 79-61 sa PBA D-League Foundation Cup kahapon sa JCSGO Gym sa Cubao, Quezon City.
Binuksan ng Rhum Masters ang laro sa pamamagitan ng 14-4 run at sa ikatlong yugto ay pinaulanan ng 3-pointers ang Giants para maiwanan na nang tuluyan tungo sa pakikisalo sa liderato sa 1-0 baraha.
Anim sa siyam na tres sa laro ang ginawa ng tropa ni coach Lawrence Chongson sa ikatlong yugto at apat na sunod ay kinamada ni Jaypee Belencion para sa 55-35 kalamangan.
Tumapos ang dating Letran player taglay ang 14 puntos para suportahan sa ginawa nina Roi Sumang at Aljon Mariano na 17 at 16 puntos.
May 11 pa si Sumang sa ikatlong yugto habang si Mariano ay nagpasabog ng sampung puntos sa 10-2 panimula sa huling yugto para tiyakin ang magarang panimula ng Tanduay.
“Marami pang dapat gawin. Mahaba pa ang league at maraming bago sa Jumbo at nag-a-adjust pa sila,” wika ni Chongson na balak bumangon matapos mamaalam agad sa Aspirants’ Cup.
Walang manlalaro sa Giants ang nasa double digits upang ipakita na nangangapa pa ang koponang umabot sa quarterfinals sa nakalipas na conference.
May siyam na puntos si Denice Villamor para sa natalong koponan.
Huling nakadikit ang Giants sa 28-36 bago bumanat ng triple si Sumang at nasundan pa ng apat na diretsong malalayong buslo ni Belencion para lumayo na ang Tanduay. (AT)
- Latest