Back-to-back sa Lady Eagles
MANILA, Philippines – Hindi sapat ang mas determinadong laro ng La Salle Lady Spikers para mapurnada ang makasaysayang pagtatapos na target dagitin ng Ateneo Lady Eagles.
Napaganda ang matinding work out na nakuha ng Lady Eagles sa first set para kunin ang 25-22, 25-17, 25-23 panalo at makumpleto ang 16-0 sweep sa 77th UAAP women’s volleyball kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nasa 20,705 fans ang nanood at si Alyssa Valdez ay naghatid ng kanyang regular na numero para maibigay sa koponan ang ikalawang sunod na titulo.
May 19 kills at 1 block si Valdez at siyam rito ay ginawa niya sa first set para biguin ang Lady Spikers.
Matatandaang yumukod ang La Salle sa Ateneo sa Game One, 18-25, 19-25, 19-25, noong Miyerkules.
Nang malimitahan si Valdez ay nagtuluy-tuloy pa rin ang puntos para sa Lady Eagles dahil kina Bea De Leon, Amy Ahomiro at Michelle Morente.
Ang tatlo ay naghtid ng tig-10 puntos at sina De Leon at Ahomiro ay nabiyayaan ng mga quick sets galing kay Julia Morado.
Ang itinanghal na Best Setter ng liga na si Morado ay tumapos bitbit ang 32 excellent sets mula sa 84 attempt.
“Every championship, magkakaiba ang feeling. This championship is special dahil this is history for Ateneo and we’re so happy to get it,” wika ni Valdez.
Tinanggap ni Valdez ang kanyang ikalawang sunod na Most Valuable Player title.
Si Ahomiro ang nabigyan ng Finals MVP dahil na rin sa kanyang solidong depensa.
Sina Denise Lazaro, Ella de Jesus at Aeriel Patnongon ay mamamaalam naman sa koponan bitbit ang dalawang sunod na titulo.
“Hindi ko akalain na magagawa namin ito. Very fulfilling dahil nagbunga ang pinaghirapan namin all year,” wika ng libero na si Lazaro.
Nagtala si Lazaro ng 16 excellent digs mula sa 36 attempts bukod sa 8 excellent receptions.
Sinikap ng La Salle na ikalat ang opensa sa hanay ng kanilang mga manlalaro.
Patunay nito ay ang kawalan ng manlalaro na nasa double digits.
Ngunit ang kawalan ng maaasahang manlalaro kagaya ni Ara Galang sa dikitang endgame ay ininda ng koponan.
Nalasap ng La Salle ang kanilang ikaanim na sunod na pagkatalo sa pagsagupa sa Ateneo mula sa huling dalawang pagkikita noong Season 76 Finals.
- Latest