‘Di na patatagalin ng Lady Eagles
Laro NGAYON (Mall of Asia Arena, Pasay City)
3:30 p.m. – La Salle vs Ateneo (Game 2, Finals)
MANILA, Philippines - Lagyan ng tuldok ang makasaysayang kampanya ang nakatanim sa isipan ng bawat Lady Eagles sa pagharap ng Ateneo kontra sa karibal na La Salle Lady Archers sa Game Two ng 77th UAAP women’s volleyball finals ngayong hapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Magsisimula ang laro sa ganap na ika-3:30 ng hapon at ang makukuhang panalo ng Lady Eagles ay magbubunga ng 16-0 sweep para maging kauna-unahang koponan na winalis ang season sapul nang ipinairal ng liga ang thrice-to-beat advantage sa championship round noong 2009.
Kung pagbabasehan ang kinalabasan sa unang tagisan noong Miyerkules, masasabing abot-kamay na ng Lady Eagles ang kampeonato dahil sa dominanteng 25-18, 25-19, 25-19 panalo.
Ngunit hindi sang-ayon ang team captain ng Ateneo na si Alyssa Valdez na tumipa ng 25 puntos, tampok ang mabangis na 22 kills sa 50 attempts.
“Kailangan pa rin naming mag-adjust dahil mara-ming players ang ginagamit nila at hindi mo alam kung sino ang babantayan. Kaya dapat mag-double time at focus sa laro,” wika ni Valdez na tatanggap ng MVP award sa ikalawang sunod na taon na mangyayari bago simulan ang tagisan.
Tiyak na hindi rin papaawat ang iba pang kasapi ng koponan tulad nina Amy Ahomiro, Bea de Leon, Julia Morado at Michelle Morente para masundan ang kampeonato na naipagkaloob ng kanilang men’s team.
“Sa ipinakita ng mga bata, gusto nila (16-0). We are going for it,” wika ni Ateneo team manager Tony Boy Liao.
Hindi rin basta-basta patatalo ang Lady Archers na noong 2004 ay winalis ang liga tungo sa kampeonato (14-0). Sa panahong ito ay idinedeklarang kampeon agad ang koponang makakawalis sa double round elimination.
“Wala na kaming aasahan kungdi ang aming sarili. All-out na talaga kami,” wika ni Cydthealee Demecillo na siyang natatanging Lady Archer na tumapos ng double-digit sa unang pagtutuos.
Sina Mika Reyes, Desiree Cheng at Kim Fajardo ay dapat na makitaan din ng magandang paglalaro habang magandang suporta ang handang ibigay ng mga baguhang tulad nina Mary Joy Baron at Christine Soyud upang tumibay ang hangaring makaisa sa serye. (AT)
- Latest