Advantage ang Ateneo, Sa pagharap sa Galang-less na La Salle
MANILA, Philippines - Wala pang koponan sa UAAP women’s volleyball ang nakagawa ng 16-0 sweep.
Ang bagay na ito ang nais na magawa ng nagdedepensang kampeong Ateneo Lady Eagles sa pagharap sa kulang sa tao na La Salle Lady Spikers sa pagsisimula ng 77th UAAP women’s volleyball finals ngayong hapon sa Smart Araneta Coliseum.
Sa ganap na ika-3:30 ng hapon gagawin ang tagisan at kung magwawagi ang Lady Eagles ay kailangan na lamang nilang manalo sa Sabado para iuwi uli ang titulo.
Hindi natalo sa 14-game elimination ang Ateneo kaya’t bitbit nila ang thrice-to-beat advantage kontra sa La Salle.
“We are going for the record (16-0),” wika ni Ateneo team manager Tony Boy Liao nang dumalo sa PSA Forum sa Shakey’s Malate kahapon.
Dalawang beses na naka-14-0 ang La Salle pero hindi sila nakakumpleto ng 16-0 sweep.
Nagkampeon ang Lady Archers noong 2011 pero natalo sila sa Ateneo sa unang game. Bangungot naman ang nangyari noong 2014 dahil tinalo sila ng tatlong beses ng Lady Eagles.
Mas dehado ngayon ang La Salle dahil hindi na nila makakasama ang team captain na si Ara Galang na minalas na nagkaroon ng left knee injury sa semifinals match kontra sa National University Lady Bulldogs.
Ngunit hindi pa rin puwedeng isantabi ang kakayahan ng koponan ni coach Ramil de Jesus na manalo dahil magagamit nila bilang inspirasyon ang nangyari kay Galang bilang motibasyon sa serye.
“In any sports competition, adversity brings out the best in every player. Volleyball is also a system base and we are hoping the system of coach Ramil that has brought him success will make us compe-titive,” ani La Salle Sports Office of Sports Development executive director Emmanuel “Nong” Calanog na nasa Forum din.
May posibilidad pa na manood ng laro sa Big Dome si Galang at ang kanyang suporta kahit hirap sa kalagayan ay maaaring paghugutan pa ng lakas ng mga kakampi upang maisantabi ang bentahe ng Lady Eagles.
“The key is the first game. Once you get it, you level back the series and turn it into a best-of-three,” dagdag ni Calanog.
Ang inaasahang pa-ngangalanang MVP ng liga na si Alyssa Valdez katuwang sina Ella de Jesus, Amy Ahomiro, Julia Morado at libero na si Denden Lazaro ang mga aasahan ng Ateneo para ilinya ang sarili sa makasaysayang pagtatapos. (AT)
- Latest