Hapee mahihirapan sa PBA D-League Foundation Cup
MANILA, Philippines - Masusukat ang mga manlalarong hindi masyadong nabigyan ng playing time sa pagtatangka ng Hapee Fresh Fighters ng ikalawang sunod na titulo sa PBA D-League.
Nabawasan ang puwersa ng koponang naghari sa Aspirants’ Cup nang winalis ang Cagayan Rising Suns (2-0), dahil hindi na makakasama ang mga kamador ng San Beda Red Lions.
Sina Ola Adeogun, Baser Amer at Arthur dela Cruz Jr. ay hindi lalaro sa Foundation Cup na magbubukas na sa Huwebes dahil ang NCAA champion Red Lions ay magsisimula na ng kanilang paghahanda para sa 91st season ng collegiate league.
Malabo rin na makasamaa agad ng Hapee ang mga shooters na sina Garvo Lanete at Bobby Ray Parks Jr. dahil nagpapagaling pa sa kanilang mga injuries.
Si Lanete ay nagpaopera sa kanyang MCL injury habang nagpapagaling pa si Parks sa tinamong shoulder injury.
“Si Lanete ay maaaring makabalik in four to six weeks pa habang si Parks, mga one to two weeks pa,” wika ni Ha-pee team manager Bernard Yang.
Nakuha na ng koponan sina Arvie Bringas, Mark Romero at 3-point shooter Mar Villahermosa pero ang focus sa papasok na conference ay na kina Earl Scottie Thompson, Troy Rosario at Chris Newsome.
Si Thompson ang tumayong bida sa 93-91 overtime panalo sa Game Two laban sa Rising Suns sa kanyang dalawang steals.
Sina Rosario at Newsome naman ang mga binanggit ni team owner Cecilio Pedro na nais bitbitin sakaling payagan silang maglaro sa PBA.
“Naniniwala ako na kaya naman. Mahirap pero kakayanin at dadaan lang sa butas ng karayom. Iyan ang Hapee basketball, kahit anong pagsubok ka-yang lagpasan,” dagdag ni Yang.
Sa Marso 23 pa magbubukas ng kampanya ang Hapee at sapat ito para maikondisyon ni coach Ronnie Magsanoc ang mga alipores para sa magandang panimula sa ligang lalahukan ng 10 koponan.
- Latest