Ang gabi ay para kay alapag
MANILA, Philippines - Kabi-kabilang slam dunks at acrobatic shots ang ipinakita ng South at North All-Stars ngunit ang huling paglalaro sa Philippine Basketball Association ni veteran point guard Jimmy Alapag ang mas pinalakpakan.
Pormal na iniretiro ng 37-anyos na si Alapag ang kanyang No. 3 jersey sa halftime ng 2015 PBA All-Star Game kagabi sa Puerto Princesa City Coliseum sa Palawan.
Sa pagsabit niya ng kanyang uniporme ay tututukan ni Alapag ang kanyang trabaho bilang team manager ng Talk ‘N Text at mabibigyan ng sapat na panahon ang asawang si LJ Moreno at mga anak na sina Ian Maximus at Keona Skye.
Tinalo ng North team ang South squad, 166-161, kung saan tumapos si Alapag ng record na 17 assists at 12 points.
Kinuha ng South ni coach Alex Compton ang first period, 48-41 at isinara ang halftime bitbit ang 88-81 bentahe bago iwanan ang North ni mentor Leo Austria sa pagtatapos ng third quarter, 135-125.
Naagaw ng North ang 143-137 kalamangan mula sa pinakawalang 18-2 atake mula kina Calvin Abueva, Terrence Romeo at Marc Pingris patungo sa 162-148 pagtambak sa South sa gitna ng final canto.
Ang split ni Romeo sa natitirang 12.3 segundo ang nagbigay sa South ng 166-161 abante.
Dahil sa kanyang kabayanihan sa final canto ay hinirang si Romeo ng Globalport bilang All-Star Most Valuable Player.
Pinamunuan ni Calvin Abueva ang North team sa kanyang 37 points, habang nag-ambag ng 25 si Japeth Aguilar, 24 si Arwind Santos at 19 si Pingris.
Samantala, magbabalik ang aksiyon sa 2015 PBA Commissioner’s Cup sa Miyerkules kung saan lalabanan ng Alaska ang Blackwater sa alas-4:14 ng hapon at sasagupain ng Barangay Ginebra ang NLEX sa alas-7 ng gabi sa Ynares Center sa Antipolo City.
- Latest