FEU hangad makamit ang men’s at women’s football titles
Laro Ngayon (Rizal Memorial Football Stadium)
2 p.m. – FEU vs UP (women finals)
4 p.m. – DLSU vs FEU (men finals)
MANILA, Philippines – Pipilitin ng Far Eastern University na mapanatiling suot ang korona, habang tatangkain naman itong agawin ng De La Salle University sa one-game final ng UAAP Season 77 men’s football tournament.
Magtatapat ang Tamaraws at ang Green Booters ngayong alas-4 ng hapon sa Rizal Memorial Football Stadium.
May nakikitang bentahe si FEU ace Arnel Amita para sa La Salle, hangad wakasan ang kanilang 17-taong pagkauhaw sa titulo.
“Marami silang crowd, (parang) may home advantage sila,” wika ni Amita dahil ang venue ng kanilang championship match ay malapit sa La Salle campus.
Tinalo ng Tamaraws ang UP Maroons, 1-0, mula sa penalty ni Amita sa extra time para makapasok sa kanilang ikalawang sunod na finals stint.
Hangad ng FEU ang kanilang pang-10 korona.
Ito naman ang unang finals appearance ng La Salle sapul noong 2006.
Tinakasan ng Green Booters ang Ateneo Blue Eagles, 1-0, mula sa goal ni Gelo Diamante.
Samantala, tatargetin naman ng FEU Lady Tamaraws ang korona sa pagsagupa sa Lady Maroons sa alas-2.
Asam ng Lady Tamaraws ang ‘three-peat’ at ang league-best na ika-10 kampeonato.
- Latest