Para sa UAAP overall title La Salle umaasa na lang sa natitirang 4-team sports
MANILA, Philippines – Aaasa ang nagdedepensang overall champion La Salle sa kanilang mga koponan sa apat na team sports para manatiling kampeon sa 77th UAAP seniors division.
Mga laro sa volleyball, football, baseball at softball na lamang ang hinihintay para matapos ang aksyon sa 15 sports na pinaglabanan sa taon.
Ang UST ay nangunguna sa overall bitbit ang 241 puntos habang ang La Salle ay nasa ikalawang puwesto sa 226 bago pumasok ang UP sa ikatlong upuan bitbit ang 186 puntos.
Pero puwede pang umangat ang La Salle dahil palaban pa sa titulo ang kanilang mga koponan sa men’s baseball at football, ang women’s volleyball ay paboritong umabot sa finals habang inaasahang tatapak sa Final Four ang kanilang softball team.
Sa kabilang banda, sa softball na lamang naghahabol ang UST dahil bigo ang kanilang mga koponan sa volleyball, baseball at football.
Ang men’s at women’s teams sa volleyball ay nalagay sa ikatlo at limang puwesto, ang men’s at wo-men’s football teams ay nakontento sa pang-apat at anim na puwesto habang ang baseball ay nalagay sa pang-anim.
Binibigyan ng liga ng puntos ang pagtatapos ng walong kasaling paaralan sa bawat events na natatapos at ang kampeon ay mayroong 15 puntos habang 12 at 10 ang makakamit ng papangalawa at papangatlo.
Ang FEU ang nasa ikaapat na puwesto sa 153 habang ang Ateneo na nasa finals ng baseball at men’s volleyball ay nasa ikalima.
Ang National University (143), host UE (125) at Adamson (73) ang kumukumpleto sa talaan ng mga kasali. (AT)
- Latest