MANILA, Philippines - Ang mga players na may magandang samahan, talento at palaban ang mga hinahanap ni Gilas Pilipinas head coach Tab Baldwin para bumuo sa national pool na sasabak sa 2015 FIBA Asia Men’s Championship sa China.
“I intend to select the best team, not necessa-rily the best players,” wika kahapon ni Baldwin sa kanyang pagdalo sa PSA weekly sports forum sa Shakey’s sa Malate, Manila.
Kukuha si Baldwin, pumalit kay Chot Reyes sa bench ng Nationals ng 25 players mula sa professional league bago pumili ng 16 na pagmumulan ng Final 12 na siyang maghahanda para sa Olympic qualifier.
Isa na sa mga PBA players na tiyak nang may puwesto sa Gilas Pilipinas ay si June Mar Fajardo ng San Miguel.
“Having a group of around 16 would be ideal. I would say within four or five days we’ll be able to make the first cut down to 16, and then we won’t cut down that 16 to the last 12 until we have to, until the last day whatever the deadline is,” ani Baldwin.
Sa oras na mapili ang Final 12 ay saka pa lamang gagawa ng plano at programa ang 56-anyos na American-New Zealander mentor para sa Gilas Pilipinas.
Kumpiyansa si Baldwin na mabibigyan niya ang Pilipinas ng Asian berth para makalaro sa 2016 Olympic Games sa Rio de Janeiro, Brazil.
Maliban sa Gilas, hawak din ni Baldwin ang Sinag Pilipinas na sasabak sa Southeast Asian Basketball Association (SEABA) Championship at sa Southeast Asian Games sa Singapore.
Sinimulan na ni Baldwin ang four-day tryouts para sa bubuo sa Sinag Pilipinas noong Lunes sa Philsports Arena kung saan lumahok ang mga top players mula sa D-League at collegiate leagues.
Buhat sa 25 players ay pipili si Baldwin ng Final 12 na ilalaban niya sa SEABA sa Abril 27 hanggang Mayo 1 at sa SEA Games sa Hunyo 6-15.
Ang SEABA ang nagsisilbing qualifier para sa FIBA-Asia Men’s Championship.