Nakapagdomina si PJ Ramos
MANILA, Philippines - Nagdomina si 7-foot-4 Kia import PJ Ramos sa kabuuan ng laro para ipalasap sa Alaska ang pangatlong dikit nitong kamalasan.
Humakot si Ramos ng 36 points, 33 rebounds at 2 shotblocks para pa-ngunahan ang Carnival sa 103-89 paggiba sa Aces at palakasin ang kanilang tsansa sa eight-team quarterfinals ng 2015 PBA Commissioner’s Cup na nagpatuloy kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Nauna nang natalo ang Kia sa Blackwater, 104-115 matapos gitlain ang nagdedepensang Purefoods at Talk ‘N Text.
“The players were challenged to play hard this game because we played flat the last time,” sabi ni assistant coach Chito Victolero, pansa-mantalang sumalo sa naiwang trabaho ni playing coach Manny Pacquiao na nasa United States na upang magsanay para sa laban kontra kay Floyd Mayweather, Jr. sa Mayo 2.
“Our goal is to get to the playoffs, but I told the boys to focus every game,” dagdag pa nito.
Nagdagdag ng 14 markers si Karl Dehesa kasunod ang 13 ni JR Cawaling at 10 ni LA Revilla para sa Carnival.
Matapos kunin ang 53-49 bentahe sa first half ay ipinoste ng Kia ang 12-point lead, 75-63 sa 2:41 minuto ng third period hanggang makalapit ang Alaska sa 77-81 sa 8:58 minuto ng fourth quarter.
Ngunit hindi bumigay ang Carnival.
Sa pagbibida nina Ramos, Revilla at Reil Cervantes ay nagpakawala ang Kia ng 17-4 atake para ilista ang 17-point advantage, 98-81 sa hu-ling 3:28 minuto ng laro.
Umiskor si import Damion James ng 25 points sa panig ng Alaska, habang may 16 si Sonny Thoss, 14 si Cyrus Baguio at 11 si Calvin Abueva.
Kia 103 -- Ramos 36, Dehesa 14, Cawaling 13, Revilla 10, Cervantes 6, Avenido 6, Buensuceso 5, Thiele 4, Alvarez 3, Poligrates 2, Pascual 2, Yee 2, Webb 0.
Alaska 89 -- James 25, Thoss 16, Baguio 14, Abueva 11, Banchero 7, Manuel 6, Jazul 4, Dela Cruz 4, Eman 2, Dela Rosa 0, Casio 0, Menk 0, Espinas 0, Eximiniano 0.
Quarterscores: 28-27; 53-49; 77-67; 103-89.
- Latest
- Trending