Ateneo- La Salle sa semis ng UAAP football
Laro Ngayon (Rizal Memorial Football Stadium)
2 p.m. – DLSU vs ADMU (men semis)
4 p.m. – FEU vs UP (men semis)
MANILA, Philippines – Dalawa lamang sa huling apat na koponang nakatayo ang magpapatuloy ng laban sa 77th UAAP football tournament sa semifinals ngayon sa Rizal Memorial Football Stadium.
Unang sasalang ang magkaribal na La Salle Archers at Ateneo Blue Eagles sa alas-2 ng hapon bago ang pagkikita ng nagtuos sa Finals noong nakaraang taon na FEU Tamaraws at UP Fighting Maroons sa alas-4 ng hapon.
Nanguna ang La Salle (32 puntos) at FEU (30) sa elimination round pero hindi tulad noong nakaraang taon, nagdesisyon ang pamunuan ng liga na alisin ang ibinibigay na ‘twice-to-beat’ advantage sa No. 1 at No. 2 teams para mas maging kapana-panabik ang ‘do-or-die’ game.
Hindi pa natatalo ang La Salle at ito ang kanilang sasandalan para magkaroon ng tibay ang paghahangad ng titulo na huli nilang inangkin noon pang 1998.
Huling nagtuos ang magkaribal sa semifinals noon pang Season 75 at nanalo ang Blue Eagles at itinuloy pa nila ito sa pagkopo ng kampeonato.
Ngunit minalas ang Blue Eagles sa Season 76 at hindi pumasok sa semifinals kaya masidhi ang hangarin nilang daigin ang karibal para mamuro sa pangalawang kampeonato sa huling tatlong taon.
Mangunguna naman para sa Tamaraws ang MVP na si Paolo Bugas katuwang si Eric Giganto para ilapit ang sarili sa posibleng back-to-back titles.
Pero hindi basta-basta papayag ang Fighting Maroons sa pangunguna ng mahusay na si Jinggoy Valmayor.
- Latest