Rockets isinalya ang Nets; Blazers tinalo ang Thunder
HOUSTON – Kumamada si Terrence Jones ng season-high na 26 points, habang isinalpak ni James Harden ang tiebreaking free throw sa huling 43 segundo kasunod ang isang jumper para igiya ang Houston Rockets sa 102-98 panalo laban sa Brooklyn Nets.
Tumapos si Harden, naglaro matapos magkaroon ng sprained right ankle noong Miyerkules, na may 4-of-15 para sa kanyang 15 points at naglista ng 12 assists para sa Rockets na may limang players na umiskor ng double figures.
Ito ang ikaapat na sunod na ratsada ng Rockets at tinalo ang Nets ng walong sunod sa Houston.
Tumipa sina Mason Plumlee at Deron Williams ng tig-15 points para sa Nets.
Nagtabla ang laro sa huling 43.6 segundo nang bigyan ng foul ni rookie Markel Brown si Harden para sa free throw ng huli.
Matapos ito ay iniwanan ni Harden si Brown para sa kanyang stepped back jumper na nagbigay sa Rockets ng 98-95 abante.
Umiskor naman si Williams ng layup na nagdikit sa Nets sa 97-98 kasunod ang dalawang free throws ni Jason Terry para sa 100-97 bentahe ng Rockets.
Matapos ang split ni Joe Johnson sa huling paglapit ng Brooklyn ay tumikada si Jones ng dalawang free throws para selyuhan ang panalo ng Houston.
Sa Portland, kumolekta si LaMarcus Aldridge ng 29 points at 16 rebounds at niresbakan ng Trail Blazers ang Oklahoma City Thunder, 115-112.
Nawalang saysay ang pagtatala ni Russell Westbrook ng kanyang ikatlong sunod na triple-double para sa Thunder.
Kumolekta si Westbrook ng 40 points, 13 rebounds at 11 assists.
Siya ang unang player na nagposte ng tatlong magkasunod na triple-doubles matapos si LeBron James noong 2009.
Bumangon ang Blazers mula sa 15-point deficit sa third quarter patungo sa panalo.
- Latest