Huelgas, Mangrobang magsasanay sa Portugal para sa SEA Games
MANILA, Philippines - Tumulak kamakailan sina triathletes Nikko Huelgas at Kim Mangrobang patungong Portugal para sumailalim sa tatlong buwang pagsasanay bilang paghahanda sa 2015 Southeast Asian Games sa Singapore sa Hunyo.
Hihimpil sina Huelgas at Mangrobang sa DESMOR High Performance Training Camp at sasailalim sa matinding pagsasanay kay ITU High Performance coach Sergio Santos.
Si Santos ang humubog din sa national triathletes bago sumabak sa Asian Games sa Incheon, Korea tungo sa pinakamagandang pagtatapos.
Sina Jonard Saim at Huelgas ay nalagay sa ika-10 at 11 puwesto, ayon sa pagkakasunod, habang sina Claire Adorna at Mangrobang ay tumapos sa ika-pito at siyam.
Ang ipinakita rin ng mga pambato ang pinakamataas sa hanay ng mga South East Asian countries na sumali kaya’t malaki ang paniniwala na hahakot ng ginto ang ipadadala sa Singapore.
Bukod sa pagsasanay ay isasali rin sina Huelgas at Mangrobang sa mga kompetisyon tulad ng European Cup races sa Quarteria at Mellila para magamit ang mga bagong natutunan.
Maliban kina Huelgas at Mangrobang ay maaaring gumawa rin ng pangalan ang 18-anyos na si Edward Jared Macalalad dahil siya ay napasama sa Asian Triathlon Confederation (ASTC) team na sasanayin ng Asian body at isasali sa Asian at World Triathlon Championships sa taong ito. (AT)
- Latest