Sa UAAP women’s volleyball pag-sweep para sa Finals naamoy na ng Lady Eagles
MANILA, Philippines – Nakuhang muli ng Ateneo Lady Eagles ang tikas sa paglalaro sa mahalagang tagpo sa ikatlong set para makumpleto ang 25-22, 25-17, 26-24, straight sets win kontra sa UE Lady Warriors para sa 13-0 karta sa 77th UAAP women’s volleyball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.
May 12 kills patungo sa 14 hits si Alyssa Valdez, ngunit sina Amy Ahomiro at Ella De Jesus ang nagsanib sa huling limang puntos ng nagdedepensang kampeon para maisantabi ang 21-24 iskor.
“Nagrelax kami at maraming errors sa third set. Pero pinag-meditate kami ni coach Tai (Bundit) at nakatulong ito para ma-relax kami at maalis ang pressure,” wika ni Valdez.
Lalabanan ng Lady Eagles sa Miyerkules ang karibal na La Salle Lady Archers sa kanilang huling laro sa elimination round.
Kailangan na lamang nila na manaig pa para pumasok na sa Finals bitbit ang mahalagang ‘thrice-to-beat’ advantage.
Naipakita rin ng Lady Archers ang kahandaan na pigilan ang sweep ng Lady Eagles nang ilampaso ang Adamson Lady Falcons, 25-13, 25-15, 25-17, sa ikalawang laro.
Dinomina ng Lady Archers ang attack points, 42-23, na ikinatuwa ni coach Ramil de Jesus dahil mahalaga ito kung hangad nilang manalo sa Ateneo.
“Iyong ginagawa nila sa practice nailabas nila sa larong ito. May basehan na ang puwede nilang gawin sa Miyerkules,” wika ni De Jesus.
Si Ara Galang ay may 18 kills tungo sa 20 puntos bukod sa 10 digs para pangunahan ang La Salle sa kanilang ikaanim na sunod na panalo tungo sa 12-1 baraha.
Ang pagkatalo ng Lady Falcons ay nagtulak sa koponan para makasalo ang UP Lady Maroons sa ikaapat at limang puwesto sa 5-7 baraha.
Samantala, tinalo ng Adamson Falcons ang UP Maroons, 25-21, 20-25, 25-20, 25-17, habang nanaig ang nagdedepensang NU Bulldogs sa UE Warriors, 25-12, 25-17, 25-20, para tumindi pa ang labanan para sa mahalagang ‘twice-to-beat’ advantage sa Final Four sa men’s division.
- Latest