Cagayan, Hapee mag-uunahan
Laro Ngayon (The Arena, San Juan City) Finals, Best-of-3
3 p.m. – Hapee vs Cagayan (Game 1)
MANILA, Philippines – Mag-uunahan ang Hapee Fresh Fighter at ang Cagayan Rising Suns na maitatak ang kanilang laro sa pagsisimula ngayon ng PBA D-League Aspirants’ Cup Finals sa The Arena sa San Juan City.
Inaasahang klasikong labanan ang magaganap sa dalawang koponang ito na mula pa sa elimination round ay nasa unang dalawang puwesto sa liga.
Ang Rising Suns na hindi natalo sa elimination round ay nagpatotoo na palaban sila sa titulo nang bumangon matapos ang pagkatalo sa Game One sa semifinals at winalis ang sumunod na dalawang laro para maalpasan ang Cebuana Lhuillier Gems.
Sa ganap na alas-3 ng hapon magsisimula ang bakbakan at pilit namang sasandalan ng Fresh Fighters ang 2-0 sweep sa Café France Bakers para makauna sa best-of-three title series.
Ang mananalo sa la-rong ito ay magkakaroon ng pagkakataon na hablutin na ang titulo sa Game Two sa Huwebes (Pebrero 19) sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Kung magkakaroon ng tabla, ang Game Three ay gagawin sa Lunes (Pebrero 23) sa Ynares.
May ipinagmamalaking Bobby Ray Parks, Jr., Garvo Lanete at Ola Adeogun ang koponan ni coach Ronnie Magsanoc pero ang tunay na puwersa ng Hapee ay ang kanilang matinding depensa.
“We have to focus on things that we need to do. Malakas ang Cagayan at ang magagawa lamang namin ay ihanda ang aming sarili,” wika ni Magsanoc na balak angkinin ang kauna-unahang titulo bilang coach sa commercial league.
Sa kabilang banda, sasandalan ng Cagayan ang galing ng No. 1 rookie pick na si 6-foot-7 Moala Tautuaa para lumakas ang paghahabol ng titulo sa ikalawang pagtapak sa finals sa liga.
Si Tautuaa ay naghatid ng 24 puntos sa huling dalawang laro nila ng Gems para makabangon mula sa limang puntos sa Game One.
Pero maliban kay Tautuaa, puwede ring asahan ni coach Alvin Pua ang mga shooters na sina Abel Galliguez, Alex Austria, Don Trollano at Adrian Celada habang si Michael Mabulac ang dagdag puwersa sa ilalim ng Rising Suns.
“Championship na at tiyak na hindi sila basta-basta bibigay. Kaya kailangan naming itaas pa ang intensity namin,” wika ni Pua.
- Latest