Ronda Pilipinas 2015 Cayubit nanguna sa Visayas leg
BACOLOD CITY, Philippines -- Hindi humiwalay si Boots Ryan Cayubit sa kanyang mga karibal sa all-flat final stage para hirangin bilang Visayas qualifying leg champion ng Ronda Pilipinas 2015 na inihahandog ng LBC kahapon dito.
Tumapos na pang-lima si Cayubit, inangkin ang overall lead matapos pumangalawa sa Bacolod-Bacolod Stage Two, at panglima sa 120-kilometer Bacolod-Cadiz-Bacolod Stage Three ngunit nagsimite ng tiyempong 3 oras, 7 minuto at 7 segundo kagaya ng oras ng lap winner na si Mark Julius Bonzo.
Ito ang unang race victory ng 23-anyos na si Cayubit matapos siyang madiskubre nina Vic Paterno at Bong Sual ng 7-Eleven sa paglulunsad ng Ronda noong 2011.
Sa katapusan ng karera, nagtala si Cayubit, tubong Caloocan, ng aggregate time na 12:37.01 at tatlong minuto ang distansya kay second placer Marcelo Felipe (12:40.07) kasunod si No. 3 Rey Martin (12:42.35) ng Team Cebu.
Ibinulsa ni Cayubit ang premyong P50,000 bukod sa pagsikwat sa tiket para sa Championship round sa Feb. 22-27 mula sa Paseo Greenfield City sa Sta. Rosa, Laguna hanggang sa Baguio.
Nakamit naman ni Mark Julius Bonzo, anak ni 1983 Marlboro Tour king na si Romeo ang kanyang ikalawang lap win sa Ronda matapos makapanalo ng isang stage sa third edition sa Vigan noong 2013.
Ang iba pang nasa top 10 sa three-stage qualifier na nagsimula sa Dumaguete City ay sina Irish Valenzuela (12:43.23), Ravina (12:43.27), Cris Joven (12:45.03), Leonel Dimaano (12:43.03), Junrey Navarra (12:50.35) at Alvin Benosa (12:54.38).
Ang mga qualifiers ay makakasama sa Championship round na kinabibilangan ng nagdedepensang si Reimon Lapaza, ang national team na binabanderahan ni Mark Galedo at isang composite European team.
- Latest