Ronda Pilipinas 2015 Visayas Stage 1 buwenamano si Pagnanawon
SIPALAY CITY, Philippines – Ginulat ni Jaybop Pagnanawon ang mga kamador na sina Irish Valenzuela at Baler Ravina nang pangunahan ang 172.7-kilometer Stage One sa Visayas Leg ng Ronda Pilipinas 2015 na inihahandog ng LBC na sinimulan sa Dumaguete, Negros Oriental at nagtapos dito sa Negros Occidental City.
Ipinakita ni Pagnanawon ang kanyang husay, kagaya ng ama niyang si 1986 Marlboro Tour champion Rolando Pagnanawon, nang pangunahan ang flat stage sa bilis na 4 oras, 25 minuto at 10 segundo para talunin sina Valenzuela at Ravina, tumapos sa second at third places sa kanilang mga oras na 4:25.11 at 4:25.12, ayon sa pagkakasunod.
Sinabi ng 26-anyos na si Pagnanawon, tubong Talisay sa Cebu at kumakatawan sa Team Neg-ros na ang kanyang ama ang nagturo para magkaroon siya ng kumpiyansa sa kanyang kakayahan.
Ito ang unang Ronda lap win ni Pagnanawon makaraang tumapos na third place sa apat na edis-yon. Bumandera rin si Pagnanawon sa King of the Mountain race at sa intermediate sprint para idagdag ang P6,000 sa kanyang P25,000 na panalo sa stage.
Sinabi ni Pagnanawon na hangad niyang makapasok sa championship round na nakatakda sa Feb. 22-27 simula sa Paseo Greenfiled City sa Sta. Rosa, Laguna at magtatapos sa Baguio.
Ang iba pang Pagnanawon na kumakarera sa Ronda ay ang kapatid niyang si Junvie at pinsan na si Jetley.
Kasama sa top 10 ay sina Alvin Benosa (4:25.39), Boots Cayubit (4:26.02), Reynaldo Navarro (4:26-38), Kenneth Solis (4:26.43), Cris Joven (4:26.44), Leonel Dimaano (4:26.44) at Denver Casayuran (4:26.45).
Si Solis ang nanguna sa under-23 side kasunod sina Dominic Perez at Arjey Peralta, habang ang top 3 finishers ng 18-and-under division ay sina Edalson Ellorem, Daniel Van at Engilbert Enarciso.
Magpapatuloy ang karera ngayon sa 156.6-km Stage Two na magsisimula sa Bacolod City Plaza, dadaan ng dalawang beses sa bundok ng Don Salvador Benedicto via San Carlos pabalik.
- Latest