Solomon mas angat kay PJ Ginebra wagi sa SMBeer
MANILA, Philippines – Sa pagtatapat ng dalawang pinakamataas na import ngayong komperensya ay mas nangibabaw si seven-foot Solomon Alabi laban kay 7’4 PJ Ramos sa all-around game.
Kumolekta si Alabi ng 26 points, 20 rebounds at 8 shotblocks para banderahan ang Barako Bull sa 95-86 panalo laban sa Kia para sumosyo sa liderato ng 2015 PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Nagdagdag si JC Intal ng 18 markers kasunod ang 10 ni guard Chico Lanete para sa pangatlong dikit na ratsada ng Energy.
Kumolekta naman si Ramos ng 17 sa kanyang game-high na 34 points sa final canto para sa Carnival, nabigong duplikahin ang 88-78 paggitla sa San Miguel Beermen noong nakaraang linggo.
“This game is all about defense and making good decision,” sabi ni head coach Coy Banal sa kanyang Barako Bull na nakatabla ang nagdedepensang Purefoods at Meralco sa liderato. “I’m thankful to players for making good decision, especially down the stretch.”
Sa ikalawang laro, tinapos ng Barangay Ginebra ang kanilang dalawang sunod na kamalasan matapos talunin ang San Miguel, 95-82 tampok ang 29 points ni balik-import Michael Dunigan.
Nagdagdag si seven-foot Greg Slaughter ng 18 markers, habang may 17 si Mark Caguioa at 14 si Joseph Yeo.
Ang reverse layup ni Caguioa sa huling 1:07 minuto ng fourth quarter ang nagbigay sa Gin Kings ng 93-77 kalamangan laban sa Beermen.
- Latest