Lady Eagles lumapit sa UAAP Finals
MANILA, Philippines - Matatag ang paghahabol ng Ateneo Lady Eagles para sa awtomatikong upuan sa finals nang walisin ang FEU Lady Tamaraws, 25-23, 25-21, 25-23, at inangkin ng La Salle Lady Archers ang ikalawa at huling ‘twice-to-beat’ advantage sa Final Four sa laban sa UST Tigresses 25-21, 25-9, 25-18, sa 77th UAAP women’s volleyball kahapon sa The Arena sa San Juan.
Humataw si Alyssa Valdez ng 23 hits bukod sa pitong digs, habang sina Amy Ahomiro at Ella de Jesus ay may 13 at 10 puntos upang ibigay sa nagdedepensang kampeon ang kanilang ika-11 sunod na panalo.
May 21 kills at dalawang aces si Valdez, si Ahomiro ay naghatid ng limang service aces, habang si De Jesus ay may 10 attack points para hawakan ng Lady Eagles ang attack (47-31) at serve (8-4) departments.
Hawak na ng Lady Eagles ang ‘twice-to-beat’ advantage sa Final Four pero puwede pa silang dumiretso sa championship round bitbit ang mahalagang ‘thrice-to-beat’ advantage kung mawawalis ang 14 laro sa elimination round.
Nalaglag sa ika-pitong puwesto ang Lady Tamaraws sa paglasap ng 4-7 baraha.
Si Ara Galang ay may 17 puntos, habang si Cyd Demecillo ay may 12 para ibigay sa Lady Archers ang 10-1 baraha at kanilang ikaapat na sunod na panalo.
Samantala, sinilat ng La Salle Archers ang nagdedepensang National University Bulldogs, 26-24, 25-21, 25-23, at nanalo ang FEU Tamaraws sa Adamson Falcons, 22-25, 25-21, 25-22, 25-23, sa men’s division. (ATan)
- Latest