Malaysian sa stage 3; Galedo babawi sa Stage 4
LINGAYEN, Pangasinan, Philippines -- Nasayang ang ipinundar na mahigit sa walong minutong kalamangan ng tatlong siklista nang lamunin sila ng malaking pulutong kung saan lumutang si Hariff Salleh ng Malaysian Continental team na Terengganu Cycling Team na winner sa 149.34 kms Iba-Lingayen Stage Three ng 2015 Le Tour de Filipinas na handog ng Air21 kasama ang MVP Sports Foundation kahapon.
Maagang kumawala sina Theodore Yates ng Navitas Satalyst Racing Team (Australia), Jang Sun Jae RTS Santic Racing Team (Taiwan), at Hiroki Tsubaki Bridgestone Anchor Cycling Team (Japan) na nasa unahan ng karera ng halos 100 kilometro ngunit unti-unting nahabol ng malaking pulutong pagpasok sa huling 50-kilometro ng karera sa parte ng Sual at tuluyang nalamon sa huling 10 kilometro.
Pinangunahan ni Salleh ang malaking grupo ng mga siklistang tumawid ng finish line sa Lingayen Provincial Capitol sa pare-parehong tiyempong 3 oras, 38 minuto at 35 segundo kasama ang mga top contenders ng karerang suportado rin ng Victory Liner, San Mig Zero, Novo Nordisk Pharmaceuticals Phils. at Canon at may road partners na Isuzu, MAN Truck and Bus, Viking Rent-A-Car at NLEX.
“My team really worked together and helped me win the stage today. The course is not so hot today unlike yesterday,” sabi ng 26-anyos na si Sallef na sinundan nina Mehdi Sohrabi ng Iran continental team na Tabriz Petrochemical Team at Tino Thomel ng Taiwan continental team na RTS Santic Racing Team bilang stage runner-up at third placer.
Nasa likuran lamang nila kasama ng grupo ang mga naglalaban para sa titulo na sina Eric Thomas Sheppard ng Team Novo Nordisck (USA), defending champion Mark Galedo ng continental team na 7-Eleven Road Bike Philippines at Thomas Lebas ng Bridgestone Anchor Cycling Team ng Japan kaya’t walang naging paggalaw ang top three sa individual general classification ng tanging UCI-sanctioned event na ito na inorganisa ng Ube Media Inc. na pinamumunuan ni Donna Lina-Flavier.
Matapos ang tatlong araw na karera, si Sheppard ay may total time na 10:46:06 at nanatiling 3 segundo ang agwat ni Galedo at 4 segundo naman si Lebas.
- Latest