Kampanya sa 6th Le Tour iaalay ni Galedo sa ‘Fallen 44’
BALANGA, Bataan, Philippines -- Sa karerang iaalay sa 44 Special Action Force (SAF) troopers na nasawi sa Maguindanao, matinding hamon ang haharapin ni Mark Galedo para idepensa ang kanyang titulo sa 2015 Le Tour de Filipinas na bubuksan ngayon sa pamamagitan ng Balanga-Balanga 126kms. Stage One.
Dalawang Iranian teams na kinabibilangan nina 2013 titlist Ghader Mizbani ng Tabriz Petrochemical Team, 2011 champion Rahim Emami at ang top-ranked road rider ng Asya na si Mirsamad Poorseyediholakhour ng Pishgaman Yzad Pro Cycling Team ang magpapahirap sa hangarin ni Galedo na maipagtanggol ang kanyang korona sa karerang handog ng Air21 kasama ang MVP Sports Foundation at Smart.
“Mahirap kasi, malalakas ang mga kalaban lalo na ‘yung mga Iranians,” pahayag ng 31-anyos na si Galedo, ibinalik sa continental team na 7-Eleven Roadbike Philippines mula sa national team ng PhilCycling matapos ang managers meeting kagabi.
Pinalitan ni Galedo sa koponan si Boots Ruan Cuyubit.
Tatawagin ang 2015 edisyon ng karerang ito na inorganisa ng Ube Media Inc. na pinamumunuan ni Donna Lina-Flavier bilang “Tour of Heroes” at mag-aalay ng dasal para sa ‘Fallen 44’ sa opening ceremony kung saan sina Bataan Gov. Abet Garcia at Balanga Mayor Joet Garcia ang magpapakawala sa mga siklista.
“To start the 2015 Le Tour in Bataan at a time the nation is in mourning for the 44 slain SAF forces in Mamasapano (Maguindanao) inspires us to dedicate the race to our fallen heroes,” ani Lina-Flavier. “The Le Tour de Filipinas is not only about sports and competition, it’s about fostering lasting peace among nations through cycling.”
Ang tanging UCI race sa bansa sa calendar ng Asia Tour ay suportado rin ng Victory Liner, San Mig Zero, Novo Nordisk Pharmaceuticals Phils. at Canon.
Bukas ay aakyat ang mga siklista sa Iba, Zambales para sa 153.75-km Stage Two kasunod ang 149.34-km Stage Three sa Martes sa Lingayen at ang Stage Four sa Baguio City sa harap ng Baguio City Convention Center sa distansyang 101-km.
- Latest