Imahe ng EAC iniangat ng Generals spikers
MANILA, Philippines - Nakabawi na ang Emilio Aguinaldo College Generals sa masamang marka na iniwan ng kanilang men’s basketball team sa paghablot ng kauna-una-hang titulo sa volleyball sa NCAA.
Matatandaan na nasangkot ang Generals sa rambol laban sa Mapua Cardinals sa isang no-bearing game sa second elimination sa basketball noong nakaraang taon.
Dahil dito ay marami ang nangamba na madidiskaril ang asam ng EAC na mapasama bilang regular member sa liga.
Taong 2009 noong pumasok sa NCAA ang EAC at matapos ang taong ito ay dapat rerendahan ng desisyon kung magiging regular member na ang koponan.
“We made mistakes but life is a continuous learning process,” wika ng Management Committee representative ng Generals na si Marlon Carlos. “We just have to learn from it.”
Pinatotohanan ng Generals ang masidhing hangarin na makabangon sa pangit na pangyayari matapos manalo sa men’s volleyball.
Nakita ang tiyaga at determinasyon ng Gene-rals na makuha ang titulo nang maisantabi ang pagkatalo sa Game One sa best-of-three finals matapos walisin ang sumunod na dalawang laro kontra sa St. Benilde Blazers.
Si Howard Mojica ang siyang lumabas na kamador ng Generals sa finals nang maghatid siya ng 29 hits average sa tatlong laro.
Ngunit naroroon din ang suporta ng mga kasamahan na sina Keith Melliza, Israel Encina at Sid Reymond Gerella upang patotohanan na hindi matitibag ang isang koponan na kakikitaan ng solidong samahan.
“Our win in volleyball is a celebration of the school’s desire to excel by working and preparing hard. The team’s patience and hardwork finally paid off,” dagdag ni Carlos.
Ang men’s volleyball title ang kauna-unahang titulo na napanalunan ng EAC sa seniors division at ikalawang titulo sa NCAA matapos ang dominasyon ng Brigadiers sa junior volleyball mula 2011 hanggang 2013 seasons.
Mataas ang kumpiyansa ni Carlos na may mga susunod pang magandang balita na maihahatid ang EAC para tuluyang ibaon ang bangungot na hatid ng basketball at mangyari ang kinasasabikan na maging ika-siyam na regular team sa NCAA. (AT)
- Latest