SMBeer, Aces sa February 17 magkikita
MANILA, Philippines – Matapos ang kanilang mainit na banggaan sa PBA Philippine Cup Finals ay muling magku-krus ang landas ng San Miguel Beer at Alaska Milk sa Feb. 17 sa Commissioner’s Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Tinalo ng Beermen ang Aces, 4-3 sa kanilang championship series at inaasahang magiging pisikal din ang kanilang unang pagkikita sa se-cond conference.
Magsisimula ang mid-season tourney bukas kung saan lalabanan ng Kia Motors ang Globalport sa alas-4:15 ng hapon at magtatagpo ang Barangay Ginebra Kings at Meralco Bolts sa alas-7 ng gabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Bilang pasasalamat sa mga fans sa matagumpay na Philippine Cup, magiging libre para sa lahat ang MOA General Admission section.
Bubuksan ng Aces ang kanilang kampanya sa second conference kontra sa Purefoods Hot Shots sa Feb. 3 kasunod ang pagharap sa NLEX Warriors sa Feb. 7 at pagsagupa sa Globalport Batang Pier sa Feb. 10 hanggang sa pakikipagtuos nila saBeermen para sa kanilang rematch sa Feb. 17.
Una namang masusubukan ng Beermen ang Kia Carnival sa Feb. 4 bago isunod ang Ginebra Kings sa Feb. 8 at ang Blackwater Elite sa Feb. 11.
Hindi pa tiyak kung sinong imports ang ipaparada ng San Miguel at Alaska. Si import DJ Convington ng Alaska ay sinasabing mas maliit kumpara sa ibang imports.
At mahihirapan siyang makipagsabayan sa mga seven-footer imports ng Kia Motors, Blackwater at Barako Bull bukod pa kina Mike Dunigan ng Barangay Ginebra at Richard Howell ng Talk ‘N Text.
Wala pang katiyakan kung makukuha ng Beermen si Arinze Onuaku matapos itong makatanggap ng alok mula sa anim na NBA teams.
Palaban din ang Gin Kings, Tropang Texters, Elasto Painters at Hotshots. (NB)
- Latest