Ikalawang stake win puntirya ni Hernandez
MANILA, Philippines - Pagsisikapan ngayon ng batikang hinete na si Jonathan Hernandez na masungkit ang ikalawang stakes win sa taon sa gaganaping 2015 Philracom “Commissioner’s Cup sa Metro Turf sa Malvar, Batangas.
Ang karerang ito ay ilalarga sa ganap na alas-3 ng hapon at iniaalay sa mga namayapa nang Philracom Commissioners na sina Atty. Franco Loyola at Dr. Reynaldo Fernando.
Sa 1,800-metro ang distansya ng karera at si Hernandez ang siyang didiskarte uli sa mahusay na kabayo na Malaya na isa sa anim na kabayong kasali pero apat lamang ang opisyal na bilang ng tatakbo.
Kasama ng Malaya ang coupled entry na El Libertador na hawak ni Kevin Abobo para pagtulungang ibigay sa horse owner na si Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos ang P720,000.00 premyo mula sa P1.2 milyong premyong paglalabanan.
Ang iba pang kasali ay ang coupled entries Bruno’s Cut (RC Baldonido) at Cleave Ridge (Pat Dilema), Stand In Awe (JB Guce) at King Bull (Fernando Raquel Jr.).
Tiyak na patok ang Malaya na siyang pumang-apat sa palakihan ng kinita noong 2014.
Unang nanalo si Hernandez sa stakes race sa kabayong Princess Ella sa itinakbong Philracom Juvenile Fillies noong nakaraang linggo at tiyak na kondisyon pa rin para ibulsa ang ikalawang stakes win.
Ang magtatapos sa ikalawa ay tatanggap ng P270,000.00 at P150,000.00 at P60,000.00 ang gantimpala para sa papangatlo at papang-apat sa datingan. (ATan)
- Latest