Chinese-Taipei at Japan tutulong sa Phl sports
MANILA, Philippines - Dalawang bansa ang handang makipagtulungan sa Pilipinas para tumaas ang lebel ng atleta ng bansa.
Ang Chinese-Taipei at Japan ang mga bansang nagpahayag ng kahandaan na pumasok sa MOA sa Philippine Olympic Committe.
“Iba ito sa mga MOA na ginagawa ng PSC sa ibang bansa. Ito ay between the National Olympic Committees at ginagawa ito ng POC para madagdagan ang options ng mga NSAs para sa pagsasanay ng kanilang mga atleta,” wika ni POC chairman Tom Carrasco Jr.
Mismong si Carrasco ang siyang nakipag-usap sa Chinese-Taipei at ang secretary-general na si Kevin Chen ang siyang naghayag ng kahandaan na makipagpalitan ng kaalaman sa larangan ng palakasan sa Pilipinas.
“Nanalo ang Chinese-Taipei ng gold sa London Olympics sa taekwondo at isa ito sa aspect na puwede nating magamit. Anytime ay handang magpirmahan ang magkabilang panig para maayos ang usapin ng pagtutulungan,” sabi pa ni Carrasco.
Sa kabilang banda, ang Japan ay nais ding makipagtulungan sa Pilipinas at isa sa mga NSAs na makikinabang dito ay ang gymnastics.
Sinisipat din lamang ang petsa kung kailan libre ang mga opisyales ng Pilipinas at Japan para maisara ang usapin.
Naghahangad ang Pilipinas na makabangon mula sa ika-pitong puwestong pagtatapos sa SEA Games noong 2013 para sa gaganaping Singapore SEA Games at malaki ang maitutulong ng sports ties na ito sa dalawang bansa kung maisasaayos agad. (ATan)
- Latest