Para makopo ang titulo ng NCAA Women’s Volleyball: Teamwork ang sikreto ng Lady Chiefs sa pagwalis sa Lady Stags sa title series
MANILA, Philippines - Hindi kakulangan para sa isang koponan ang kawalan ng dominanteng manlalaro basta’t ang bawat isa ay nagtutulung-tulong.
Ito ang ipinakita ng Arellano Lady Chiefs na siyang kinilala bilang pinakamahusay na koponan sa 90th NCAA women’s volleyball tournament nang walisin ang multi-titled team na San Sebastian Lady Stags, 2-0, sa kanilang best-of-three finals series.
Ang Lady Stags ay pinangunahan ng beteranang si Gretchel Soltones na siya ring kinilala bilang MVP at Best Scorer ng liga.
Ang iba pa niyang kakampi tulad nina libero Alyssa Eroa at Nikka Dalisay ay tumanggap din ng parangal.
Si Eroa ang Best Digger at Receiver habang si Dalisay ang Rookie of the Year.
Ngunit hindi sapat ang talento ng mga ito para maigupo ang may teamwork na Lady Chiefs para maibaon ang kabiguang inabot sa mga kamay ng Perpetual Help Lady Altas noong nakaraang taon.
“Walang nabigyan ng individual awards sa amin dahil ang concept ng team ay dapat magtulung-tulong ang lahat sa opensa at depensa,” wika ni head coach Obet Javier.
Si Menchie Tubiera ang pinarangalan bilang Finals MVP matapos gumawa ng kabuuang 31 hits (15.5 average), pero hindi maitatatwa ang mahusay na suporta ng ibang kasamahan para makatikim ng korona sa liga.
Sina Danna Henson, Cristine Joy Rosario at team captain Rialen Sante ay gumawa ng 25, 22 at 17 hits sa title series, habang ang setter na si Angelica Legacion ay naghatid ng 56 kabuuang excellent sets para manaig sa karibal na si Vira May Guillema na may mahinang 23 excellent sets matapos ang dalawang laro.
Ito ang ikalawang titulo ng Arellano sa taon matapos maghari ang kanilang senior chess team at lalabas na ikatlong titulo sapul nang sumali sa liga noong 2009 dahil nagkampeon sila sa men’s beach volley noong 2010 at 2011 seasons. (ATan)
- Latest