NCAA volley finals hataw na
MANILA, Philippines - Dadaanin sa bilis ng multi-titled San Sebastian Lady Stags ang laro laban sa Arellano Lady Chiefs para makauna sa pagsisimula ng championship round sa 90th NCAA volleyball ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Ang Lady Stags at Lady Chiefs ay magtutuos sa ganap na ika-12 ng tanghali sa pagbubukas ng best-of-three series para sa women’s title.
Bubuksan ang labanan ng pagkikita ng nagdedepensang juniors champion Perpetual Junior Altas at Lyceum Junior Pirates sa ganap na ika-9 ng umaga habang ang huling laro dakong alas-2 ng hapon ay sa pagitan ng walang talong Emilio Aguinaldo College Generals at St. Benilde Blazers sa kalalakihan.
Ang mananalo sa mga larong ito ay puwede nang angkinin ang titulo sa Biyernes. Kung magkakaroon ng Game Three, ito ay gagawin sa Lunes (Enero 26).
Pinakamatikas ang San Sebastian kung women’s volleyball sa NCAA ang pag-uusapan dahil humakot na sila ng 23 titles. Pero ang huli ay nangyari noon pang Season 86 bago nagtatlong sunod ang Perpetual Help Lady Altas.
Ang matagal na pagkawala sa championship round at ang katotohanang nasa ikalawang sunod na pag-apak sa yugtong ito ng Lady Chiefs ang pinaniniwalaan ni Lady Stags mentor Roger Gorayeb na magpapadehado sa kanyang mga alipores.
“Mas malalaki pa sila (Arellano) sa amin. Kaya talagang kailangang daanin namin ang laro sa bilis para manalo,” ani Gorayeb. (AT)
- Latest