Pacquiao pine-pressure na si Mayweather
MANILA, Philippines - Halos limang taon nang pinipilit maplantsa ang kanilang super fight ni Floyd Mayweather, Jr.
Kaya naman pinupuwersa na ni Filipino boxing superstar Manny Pacquiao si Mayweather na pumirma sa kanilang fight contract.
Sa programang ‘Today’ sa United States ay kinumpirma ni Pacquiao ang pagpayag niya sa lahat ng kondisyon ng American fighter para lamang maitakda ang mega showdown nila.
“My promoter and I, we agreed to all that he wants, the terms and conditions,” wika ng Filipino world eight-division champion na nasa United States para i-promote ang kanyang dokumentaryong “Manny.”
Sinabi ni Pacquiao na hinihintay na lamang nila ang pirma ni Mayweather, ang American world five-division titlist, para tuluyan nang maplantsa ang kanilang upakan sa Mayo 2 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
“We’re waiting for the signed contract. We’ll wait for the announcement. I’m waiting for the signed contract for him, and it will be on May 2nd,” ani Pacquiao.
Si Mayweather ang nagtakda ng kanilang laban ni Pacquiao sa Mayo 2 at sinabing siya rin dapat ang masunod sa kanyang mga kondisyon.
Pumayag na si Pacquiao sa 40-60 purse split kung saan maaari siyang tumanggap ng premyong $40 milyon kumpara sa $120 milyon ni Mayweather.
Ngunit hanggang kahapon ay wala pa ring pormal na pahayag ang 37-anyos na si Mayweather.
Kamakalawa ay sinabi ni Showtime vice-president Stephen Espinoza na kailangan ding mag-usap ng Showtime/CBS at HBO/Time Warner para sa pagsasaere ng Pacquiao-Mayweather fight.
Si Pacquiao ay nasa HBO, habang si Mayweather ay nasa Showtime. (Russell Cadayona)
- Latest