Pag-aagawan ng San Miguel at Alaska 3-2 lead sa serye nakataya ngayon
MANILA, Philippines - Simple lang ang naging solusyon ng Beermen sa kanilang pagkulapso sa fourth quarter.
“I think the main reason is we were able to sustain our energy, keep our focus and play defense from start to finish,” sabi ni head coach Leo Austria matapos ang 88-70 paglampaso ng kanyang San Miguel sa Alaska sa Game Four ng 2014-2015 PBA Philippine Cup Finals noong Miyerkules.
Ang nasabing panalo ang nagtabla sa Beermen sa Aces sa 2-2 sa kanilang best-of-seven championship series.
Nauna nang nanaig ang Alaska sa Game Three, 88-82, noong nakaraang Linggo kung saan sila nakabangon mula sa 21-point deficit sa San Miguel.
Paglalabanan ng Beermen at ng Aces ang mahalagang 3-2 bentahe sa kanilang serye sa Game Five ngayong alas-7 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Sinabi ni Austria na nasa kanila ngayon ang momentum matapos ang naturang pagresbak sa Game Four.
“We have the momentum but our respect for Alaska is very high,” wika ni Austria sa koponan ni American mentor Alex Compton.
Nananatili pa ring underdog ang Aces sa kanilang titular showdown ng Beermen.
At napatunayan ito ni Compton sa Game Four.
“Siguro nakita natin why No. 1 ang San Miguel after the eliminations,” sabi ni Compton.
Umiskor si veteran guard Alex Cabagnot ng 22 points, tampok dito ang apat na three-point shots, para pamunuan ang Beermen.
Kumolekta naman si Best Player of the Conference June Mar Fajardo ng 11 points at 11 rebounds, habang naglista si Arwind Santos ng 11 points at 14 boards.
“Hindi bago sa amin ang mag-struggle sa opensa, but they were shooting the lights out. Credit their coach Leo and his staff. They had a great gameplan, great preparation,” dagdag pa nito.
Matapos kunin ang isang 13-point lead sa first half ay pinalaki ng San Miguel ang kanilang kalamangan sa 29 puntos sa 55-26, sa 10:07 minuto sa third period.
Saglit na nakalapit ang Aces sa 17-point deficit ngunit hindi na kinayang ulitin ang kanilang mga panalo sa Game One at Game Three.
Pinangunahan ni small forward Calvin Abueva ang Aces sa kanyang 22 points at wala nang iba pang umiskor sa double-figures.
Ito ang unang pagkakataon sa kanyang four-year career na hindi nakaiskor si point guard JVee Casio para sa Aces.
- Latest