Bigating team ang ilalahok ng Iran sa Le Tour de Filipinas
MANILA, Philippines – Isang kinatatakutang Iranian contingent na babanderahan ng dalawang dating kampeon bukod pa sa No. 1 cyclist sa Asya ang sasabak sa 2015 Le Tour de Filipinas na pakakawalan sa susunod na dalawang linggo sa Bataan.
Hangad nina Rahim Emami, ang 2011 champion at kumakarera para sa Pishgaman Yzad Pro Cycling Team, at ni 2013 winner Ghader Mizbani na makuha ang korona sa nasabing four-stage International Cycling Union (UCI) Asia Tour race na inihahandog ng Air21 katuwang ang MVP Sports Foundation at Smart.
Mahihirapan si Mark Galedo sa hangad na maidepensa ang kanyang titulo dahil nasa kampo ng Iranian team si Mirsamad Poorseyediholakhour, ang kakampi ni Mizbani sa Tabriz Petrochemical Team na hinirang na No. 1 sa Asia Tour ranking noong 2014.
Si Mizbani ay ranked No. 6 at si Emami ay No. 9, habang No. 67 naman si Galedo sa UCI Asia Tour ranking.
Ang sixth edition ng Le Tour ay ang una para sa 2015 sa Asia Tour calendar ng UCI.
Ang Le Tour, ipagdiriwang ang ika-60 taon ng multi-stage road racing sa bansa, ay magsisimula sa February 1 tampok ang 126-km Balanga-Ba-langa (Bataan) Stage One kasunod ang 153.75-km Balanga-Iba (Zambales) Stage Two, 149.34-km Iba-Lingayen (Pangasinan) Stage Three at ang 101-km Lingayen-Baguio City Stage Four.
Kabuuang 15 koponan, ang 13 ay continental at tatlong national teams, ang lalahok sa Le Tour na inorganisa ng Ube Media sa pangunguna ni Donna Lina-Flavier katuwang ang Victory Liner, San Mig Zero, Novo Nordisk Pharmaceuticals Phils. at Canon bilang major sponsors.
Bukod sa dalawang Iranian teams, sasabak din sa Le Tour ang mga baguhang Team Novo Nor-disk ng US, ang unang professional cycling team ng mga riders na may Type 1 Diabetes, ang RTS Santic Racing Team ng Taiwan, ang Attaque Team Gusto, ang Singha Infinite Cycling Team ng Thailand at ang Kazakhstan National Team.
Magbabalik sa karera na suportado rin ng Isuzu, MAN Truck and Bus, Viking Rent-A-Car at ng NLEX bilang mga road partners ang Navitas Satalyst Racing Team ng Australia, CCN Cycling Team ng Brunei, Pegasus Continental Cycling Team ng Indonesia, Uzbekistan National Team, Terengganu Cycling Team ng Malaysia, Bridgestone Anchor Cycling Team ng Japan at Team 7-Eleven Roadbike Philippines at ang Philippine National Team.
Ang mga media partners ng Le Tour ay ang Manila Bulletin, The Philippine Star, Philippine Daily Inquirer, Business Mirror, MultiSport Magazine, Sports Digest, Hola! Magazine, Panahon TV, PTV Sports, dzSR Sports Radio, OrangeFix at GMA-7.
- Latest