Adeogun, Van Opstal balik na sa Hapee
MANILA, Philippines – Magbabalik na ang dalawang higante ng Hapee Fresh Fighters para tulungan ang koponan na manati-ling walang talo sa PBA D-League Aspirants’ Cup na magdaraos ng laro ngayong hapon sa JCSGO Gym sa Cubao, Quezon City.
Katapat ng Fresh Fighters ang Jumbo Plastic Giants sa ikalawang laro dakong alas-2 ng hapon at ikasampung sunod na panalo ang maitatala ng koponan ni coach Ronnie Magsanoc kung magagapi nila ang Giants.
Makakasama ng koponan ang mga sentrong sina Ola Adeogun at Arnold Van Opstal matapos magbakasyon para tumibay pa ang puwersa ng koponan.
“Mahalagang manalo kami para magkaroon ng momentum sa laro laban sa Cagayan,” wika ni Magsanoc.
Ang Hapee at Cagayan Valley Rising Suns ay parehong may 9-0 karta at umabante na sa semifinals. Magtutuos sila sa Enero 22 na itinuturing na tagisan ng mga koponang maglalaban sa finals.
Asahan na gagawin din ng Giants ang lahat ng makakaya para silatin ang Hapee at tumibay ang paghahabol ng twice-to-beat advantage sa quarterfinals.
May 6-3 karta ang Giants at nakikipagtagisan pa sa Cebuana Lhuillier (5-4) para sa mahalagang ikaapat na puwesto na kukuha sa insentibo.
Ang Café France ang nakakuha sa ikatlong puwesto (8-2) para okupahan din ang mahalagang insen-tibo sa susunod na yugto.
Unang laro ay isang no-bearing game sa panig ng Racal Motors Alibaba at MJM M-Builders sa ganap na ika-12 ng tanghali habang ang huling pagtutuos ay sa pagitan ng Bread Story/LPU Pirates at MP Hotel Warriors dakong alas-4 ng hapon.
May 3-5 baraha ang Pirates at must-win sila sa talsik nang Warriors kung nais pa nilang makahabol ng upuan sa quarterfinals.
Ang isa pang naghahabol sa ikaanim na hu-ling puwesto sa quarterfinals ay ang pahingang Tanduay Light Rhum Masters (4-6). (AT)
- Latest