Ang hatol! Sa Game 2 rambol
MANILA, Philippines – Sinong may sabing ang Rain or Shine lang ang koponang namumultahan ng PBA Commissioner’s Office.
Kahapon ay kabuuang P64,600 ang multang ipinataw ng PBA Commissioner’s Office sa mga players at officials ng magkaribal na San Miguel at Alaska kaugnay sa mga pangyayari sa Game Two noong nakaraang Biyernes.
Si Aces assistant coach Louie Alas ang nakatikim ng pinakamalaking multa kay PBA Commissioner Chito Salud sa halagang P20,000.
Ito ay ukol sa ginawang panunuhod ni Alas, dating PBA coach at Adamson guard sa UAAP, sa isang referee.
Mabigat rin ang multa kay Alaska small forward Calvin Abueva.
Pinagbayad si Abueva ng P10,000 dahil sa flagrant foul penalty 1 at P1,000 sa pagta-trash talk niya kay San Miguel star Arwind Santos, ang P3,000 bunga ng kanyang flopping at ang P1,600 mula sa kanyang second motion technical foul kay Chris Ross para sa kabuuang P15,600.
Binagsakan ni Abueva ng kanyang siko si Santos matapos ang kanyang tira sa third period na nagresulta sa putok sa ulo ng PBA Most Valuable Player.
Multang P1,000 ang ipinataw kay Santos mula sa kanyang pakikipag-trash talk kay Abueva na kapwa niya tubong Pampanga.
Hindi rin nakaligtas ang ginawang paninikmura ni San Miguel guard Ronald Tubid kay Abueva sa first half matapos pagmultahin ng P10,000.
Bukod pa ito sa P3,000 dahil sa kanyang flopping.
Sina Alaska shooting guard Dondon Hontiveros at San Miguel rookie forward David Semerad ay parehong pinatawan ng tig-P5,000 fine.
Multang P5,000 ang ipinataw kay Alaska forward Vic Manuel bunga ng flagrant foul penalty 1 nito kay Semerad.
Inaasahang lalaki pa ang multa ng magkabilang koponan, ayon kay Salud.
“The sanctions on the utility personnel of the San Miguel Beermen and Alaska Aces who were seen to have physically contacted players on the opposing side will be determined in due time,” sabi ni Salud. “In the meantime, they have been instructed not to report for today’s game.”
- Latest