Paano na si Barriga at Suarez?
MANILA, Philippines - Umaasa ang ABAP na agad na tutugon ang international federation (AIBA) hinggil sa kanilang klaripikasyon sa estado nina Mark Anthony Barriga at Charly Suarez patungkol sa pagsali sa SEA Games sa Singapore.
Ang Olympian at Myanmar SEA Games gold medalist na si Barriga at ang Incheon Asian Games silver medalist na si Suarez ay naglaro na sa AIBA Professio-nal Boxing at sasali pa sa susunod na edisyon dahil ang kompetisyon ay gagamitin ng IF bilang isang qualifying tournament para sa 2016 Rio de Janeiro Olympics.
Pero nakasaad sa alituntunin ng liga na ang mga boksingerong kasali ay hindi na puwedeng maglaro sa ibang AIBA tournament kung ang mga ito ay hindi isang World o Continental Championships.
“Nakipag-ugnayan na ako sa AIBA at hopefully ay sumagot agad sila. Kung sabihin nila na puwede, maaaring maisama sila sa Singapore. Pero kung hindi, may mga ibang boxers naman tayo na puwedeng ipalit,” wika ni ABAP executive director Ed Picson.
Kumilos ang ABAP matapos umani ng hindi magandang reaksyon ang pahayag na hindi makakalaro sina Barriga at Suarez na ipinalalagay na mananalo ng ginto sa Singapore SEAG mula Hunyo 4 hanggang 15.
Mahalaga ang bawat gintong mapapanalunan ng bubuuing pambansang dele-gasyon dahil nais ng Pilipinas na buma-ngon mula sa pinakamasamang pagtatapos na pangpitong puwesto noong 2013.
“Wala namang kasiguruhan na kung ipadala natin sina Barriga at Suarez ay mananalo na sila ng ginto. Sa aming palagay, magandang oportunidad ito para mabigyan ng pagkakataon ang ibang boxers na maipakita ang galing sa SEAG at sina Barriga at Suarez ay lalaban na sa mas mataas na level ng tournaments,” paliwanag ni Picson. “Ang matitiyak lang ng ABAP, ang mga ipinadadalang boxers ay pawang mga may tsansang manalo.”
Dahil sa desisyong ito ng ABAP, sinabi ni PSC chairman na posibleng matanggal sina Barriga at Suarez sa talaan ng mga priority athletes na tumatanggap ng mas malaking suporta mula sa komisyon. (AT)
- Latest