Café France lusot sa Cebuana sa OT
MANILA, Philippines - Napanatili ng Café France Bakers ang magandang kondisyon kahit napahinga ng mahaba nang talunin nila sa overtime ang Cebuana Lhuillier Gems, 67-62, sa PBA D-League Aspirants’ Cup kahapon sa JCSGO Gym sa Cubao, Quezon City.
Si Maverick Ahanmisi ay gumawa ng limang puntos at isang krusyal na assist sa extention para kunin ng Bakers ang ikapitong panalo matapos ang siyam na laro.
Tumabla ang Cagayan Valley Rising Suns sa pahingang Hapee Fresh Fighters sa unang puwesto (9-0) nang itala ang 81-74 tagUmpay sa Tanduay Light Rhum Masters habang dinaig ng Bread Story-LPU Pirates ang Wangs Basketball Couriers sa overtime, 97-94 sa ibang mga laro.
May dalawang 3-pointers sina Adrian Celada habang tig-isa ang hatid pa nina Don Trollano at John Tayongtong para bigyan ang Cagayan ng 30-12 panimula tungo sa pagpapanatili sa malinis na kartada.
May 16 puntos si Ahanmisi sa laro at ang kanyang pangatlong triple ang nagbigay ng 61-56 kalamangan sa unang minuto ng overtime.
Nakatabla pa ang Gems sa 61 sa tres ni Paul Zamar pero naroroon uli si Ahanmisi na nagbigay ng assist tungo sa lay-up ni Jam Cortez bago nagsalpak pa ng dalawang free throws para pasiklabin ang 6-1 endgame run.
“They never gave up,” wika ni Bakers coach Edgar Macaraya na pumasok sa quarterfinals sa ikatlong sunod na pagkakataon ngunit hahawakan ang twice-to-beat advantage sa unang pagkakataon.
Naghatid pa si Rodrigue Ebondo ng 13 puntos habang si Samboy de Leon ay may 11 para sa Bakers na nanggaling sa 20-araw na pahinga.
May 19 puntos si Zamar ngunit naisablay niya ang huling free throw sa tatlong attempts sa huling 16.6 segundo na nagbigay sana ng panalo sa Gems.
Dahil sa nangyari, nagtabla ang dalawa sa 56-all at hindi na nakabangon pa ang Gems tungo sa 4-4 baraha. (AT)
- Latest