Lady Bulldogs nalo sa unang salang ni Coach Gorayeb
MANILA, Philippines - Sumandal ang National University Lady Bulldogs kay Jaja Santiago upang bigyan ng buwenamanong panalo ang kanilang bagong coach na si Roger Gorayeb matapos ang 25-23, 25-22, 20-25, 22-25, 15-9 panalo laban sa UST Tigresses sa pagpapatuloy ng 77th UAAP women’s volleyball kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nagtala ng season-high na 28 puntos mula sa 22 kills at apat na blocks ang 6’4” na si Santiago. Limang puntos ang kanyang ginawa sa ikatlong set, tampok ang dalawang matitinding kills na tumapos sa laro.
Ito ang ikatlong panalo ng NU matapos ang anim na laro habang bumaba ang UST sa kanilang ikalimang sunod na pagkatalo matapos ang anim na laro.
Ang dating coach ng Ateneo Lady Eagles na si Gorayeb ay kinuha bilang kapalit ni Ariel dela Cruz at dumating siya ilang minuto matapos magsimula ang second set dahil galing siya sa paghawak sa San Sebastian Lady Stags na lumasap din ng kabiguan sa laro sa NCAA.
Nagpakita ng tibay ng dibdib ang UP Lady Maroons nang angkinin ang 22-25, 25-21, 29-27, 34-32, panalo sa Adamson Lady Falcons sa ikalawang laro.
Bumangon ang Lady Maroons mula sa 31-32 iskor nang magtala ng magkasunod na error si Amanda Villanueva bago tinapos ni Chester Ong ang laban sa isang kill.
Tinapos ng UP ang laban nang hindi nakasama ang mahusay na si Kathy Ong na na-injured ang kaliwang tuhod sa kasagsagan ng fourth set.
Agad siyang itinakbo sa ospital para madetermina ang injury.
Samantala, nanalo ang UP sa FEU, 25-23, 22-25, 25-20, 25-17 habang nangibabaw ang Adamson Falcons sa UST Tigers, 25-20, 22-25, 25-23, 27-25 sa mga laro sa kalalakihan.
- Latest