Ateneo Lady Eagles sososyo sa liderato
MANILA, Philippines – Isang buwan matapos mapahinga, babalik ang nagdedepensang Ateneo Lady Eagles para ipagpatuloy ang kampanya sa women’s volleyball tournament sa pagbabalik ng aksyon ngayon ng 77th UAAP volleyball sa The Arena sa San Juan City.
Lalabanan ng Lady Eagles ang UP Lady Maroons sa unang laro sa ganap na alas-2 ng hapon at balak tukain ng Ateneo ang ika-limang sunod na panalo.
Pagsisikapan naman ng dating kampeong La Salle Lady Spikers ang pangunguna sa walong koponang liga sa pagtudla sa ikaanim na diretsong panalo kontra sa host UE Lady Warriors sa alas-4 ng hapon.
Masisilayan din ang aksyon sa kalalakihan at ang nagdedepensang National University ay nagtatangka sa kanilang ikaanim na sunod na tagumpay laban sa UP na magsisimula matapos ang bakbakan ang Ateneo at UE sa ganap na alas-8 ng umaga.
Pang-apat na panalo matapos ang anim na labanan ang nakataya sa Blue Eagles na magdidikit pa sa mga koponan ng UST Tigers at Adamson Falcons na magkasalo sa ikalawang puwesto sa 4-1 baraha.
Noong Disyembre 6 pa huling naglaro ang Lady Eagles at umani sila ng 3-0 panalo laban sa UST Tigresses para sa kanilang ikaapat na sunod na panalo.
Maagang namahinga sa liga ang Ateneo dahil kinatawan nila ang UAAP sa 17th ASEAN University Games sa Palembang, Indonesia at umani ng bronze medal.
Si Alyssa Valdez na siyang nanguna sa laban sa ASEAN University ang muling magdadala ng trangko sa Lady Eagles para manatiling nakatuon sa pangunguna matapos ang first round.
Tiyak na pinaghandaan ito ng Lady Maroons na may respetadong 2-3 baraha.
Pinabagsak ng UP ang UST, 3-1, at UE, 3-0, at sasandal sa galing nina Nicole Anne Tiamzon, Katherine Adrielle Bersola at Angeli Pauline Araneta para hagipin ang ikatlong panalo sa huling apat na laro.
Gaya ng Ateneo ay determinado rin ang La Salle na manalo sa UE at pagsisikapang wakasan ang limang sunod na kabiguan.
Ang nangungunang scorer sa liga na si Ara Galang (105 puntos) at depensa ni Mika Reyes ang huhugutan ng La Salle upang makuha ang panalo at momentum papasok sa huling laro laban sa karibal na Ateneo sa Enero 11 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
- Latest