Magkakaroon ng Woman Grandmasters sa 2015
MANILA, Philippines – Kung matutuloy ang plano ay gagawa ng kasaysayan ang chess sa larangan ng mga kababaihan sa papasok na taon.
Ito ay dahil sa 2015 nakikita ng NCFP na magkakaroon na ang Pilipinas ng kauna-unahang Woman Grandmaster dahil may tatlong lady chessers ang nakakuha na ng tig-isang GM norm.
Ito ay sina Janelle Mae Frayna, Jan Jodilyn Fronda at Mikee Suede.
“Wala pa tayong Woman Grandmaster sa Pilipinas and we will push for it in 2015,” wika ni NCFP executive director GM Jayson Gonzales.
Tatlong norms ang kailangang maabot ng isang chess player para maging isang GM at gagawin lahat ng pederas-yon upang matulungan ang tatlong manlalarong nabanggit.
“Mga apat na international tournaments ang balak naming i-host sa 2015 at kasama rito ang para sa kababaihan para matulungan sina Frayna, Fronda at Suede. Isasali rin sila sa mga malalaking tournaments para bago matapos ang bagong taon ay mayroon na tayong Woman Grandmaster,” paliwanag ni Gonzales.
Mas malaking pondo ang makukuha ng NCFP mula sa Philippine Sports Commission (PSC) dahil kabilang na ang chess sa talaan ng priority sports ng ahensya.
“Tumanggap kami ng P14 million budget sa 2014 pero malaking bahagi nito ay napunta sa mga allowances ng mga coaches at atleta,” sabi pa ni Gonzales. (AT)
- Latest