Smith nakatulong agad sa panalo ng Rockets
MEMPHIS – Kaagad nakapagbigay ng kontribusyon si Josh Smith para sa Houston Rockets.
Nagtala si Smith ng 21 points at 8 rebounds para ihatid ang Rockets sa 117-111 overtime win laban sa bumubulusok na Memphis Grizzlies.
“We knew what he brought to the table,’’ sabi ni James Harden, binanderahan ang Houston sa kanyang 32 points at 10 assists. “All he has to do is go out there and play his game.’’
Kinuha ng Rockets ang 111-109 abante sa huling 1:18 minuto sa overtime nang tumalbog ang 17-footer ni Harden.
Hinablot ni Smith ang offensive rebound kasunod ang mintis din ni Trevor Ariza.
Muling nakuha ni Smith ang offensive board na nagresulta sa kanyang dalawang free throws para tiyakin ang panalo ng Rockets.
Nagdagdag si Ariza ng 15 points, habang may 13 si Corey Brewer at 12 si Patrick Beverley.
Si Dwight Howard ay kumolekta naman ng 6 points, tampok ang 4-of-4 shooting sa free throw line sa overtime, at 11 rebounds para sa Houston.
Sa Dallas, umiskor si Rajon Rondo ng season-high na 21 points sa kanyang ikaapat na laro para sa Mavericks at nagdagdag si Dirk Nowitzki ng 14 para sa kanilang 102-98 panalo laban sa Los Angeles Lakers.
Nagtala rin si Rondo, nagmula sa Boston Celtics, ng 8 rebounds at 7 assists para sa pang-limang sunod na panalo ng Dallas kontra sa Lakers sa regular season.
Mula sa bench ay pinanood ni NBA No. 3 career scorer Kobe Bryant, pinagpahinga ng Lakers sa ikatlong sunod na laro, ang paglampas ni Nowitzki kay Elvin Hayes sa eight place sa scoring list.
Umangat si Nowitzki, ang highest-scoring foreigner sa kasaysayan ng NBA mula sa kanyang 27,322 points, ng 9 points kay Hayes.
- Latest