Sky Hook, Hook Shot paborito sa huling stakes race sa taong 2014
MANILA, Philippines - Ang huling stakes race sa taong 2014 na suportado ng Philippine Racing Commission (Philracom) ay gagawin bukas sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Mga premyadong two-year old horses na nanalo na sa mga naunang malalaking juvenile races na itinaguyod sa mga naunang buwan ang magpapasiklaban sa karerang paglalabanan sa 1,600-metro distansya at sinahugan ng Philracom ng P2.5 milyon kabuuang premyo.
Ang mga coupled entries ni Joseph Dyhengco na Sky Hook at Hook Shot ang mga malalagay bilang isa sa paborito matapos pagharian ang pang-apat na leg ng Philracom Juvenile Colts at Fillies Stakes noong Nobyembre.
Tiyak na hindi pahuhuli ang mga kabayong Princess Ella, Driven at Princess Meili na kuminang din sa malalaking karera.
Kampeon ang Princess Ella sa 1st Leg ng Philracom Juveniel Colts, nanguna ang Driven sa MARHO Juvenile Colts habang isang PCSO Special Maiden Race champion ang Princess Meili.
Halagang P1.5 milyon ang mapupunta sa winning horse owner habang ang winning breeder ay may P75,000.00 premyo.
Samantala, nagkaroon ng magandang pamasko ang Metro Turf na nangyari sa bisperas ng Kapaskuhan nang may naging milyonaryo sa pamamagitan ng Winner-Take-All sa Malvar, Batangas.
Kumabig ang mananayang nakuha ang tamang kumbinasyon sa unang WTA ang P1,939,140.80 dibidendo para makahabol sa hanay ng mga karerista na naging milyonaryo sa taong 2014.
Masasabing pinakamahirap na kabayong nakuha sa WTA ay ang Show Off na tunay na nagpasikat bilang pinakadehadong kalahok na nanalo sa 11 karerang isinagawa sa araw na ito.
Sa isang class division 1 race na pinaglabanan sa 1,400-metro karera at nilahukan ito ng pitong kabayo pero anim ang opisyal na bilang at maganda ang kondisyon ng Show Off na isang three-year old filly at may lahing Wine Master at Mikaela Mia.
Dominado ng hindi napaborang kabayo ang pista dahil banderang-tapos ang naitalang panalo ng Show Off na hinawakan ni jockey Gilbert Mejico.
Nasa dalawang dipang agwat ang layo ng nanalong kabayo sa mga katunggali at malakas na pagdating ang ginawa ng Walk The Talk sa pagdiskarte ni Jeff Zarate.
Umabot ang win ng P268.50 habang ang 3-1 forecast ay nagpamahagi ng P3,962.00 dibidendo.
Ang iba pang kabayo na napasama sa 1st WTA ay ang Casa De Nipa, Guel Mi, Pag Ukol Bubukol, Batingaw, Roman Charm at Dare To Dream. (ATan)
- Latest