Volleyball yearender: 2014 produktibong taon para sa Army, Petron spikers
MANILA, Philippines - Labis-labis ang tinamong tagumpay ng Philippine SuperLiga sa taong 2014.
“We are less than two years old but he have achieved so many things,” wika ni Sports Core president Ramon ‘Tats’ Suzara.
“It has been a wonderful year of success in 2014. We had so much fun, the teams are very happy and the level of play ay tumaas,” pagmamalaki pa ni Suzara.
Dalawang conference ang pinaglabanan sa nakaraang season at unang isinagawa ang All-Filipino Conference na sinalihan ng pitong koponan.
Ang Army Lady Troopers na winalis ang dalawang titulong pinaglabanan noong 2013, ay ipinarada pa rin ang mga mahuhusay na sina Rachel Ann Daquis, Jovelyn Gonzaga, Mary Jean Balse at Tina Salak at hindi naman napahiya ang koponan nang hiritan ang RC Cola-Air Force Raiders ng 25-22, 25-19, 25-16, straight sets panalo sa kanilang one-game finals.
Bago ito ay isinagawa ang makasaysayang PSL Drafting at ang napili bilang kauna-unahang draft pick ang 6’2 spiker na si Dindin Santiago ng Petron Lady Blaze Boosters.
Mahusay ang ipinakita ni Santiago pero kinapos ang Petron at natalo sa PLDT Home TVolution Power Attackers sa quarterfinals, 1-3.
Ang nakuhang karanasan ng Petron ay nagamit nila nang husto sa Grand Prix nang kanilang dominahin ito tungo sa kanilang kauna-unahang kampeonato sa liga.
Anim na koponan ang sumali at pinalakas ng pagpasok ng tig-dalawang imports at masuwerte pa ang Lady Boosters dahil nakuha nila ang mahuhusay na sina Alaina Bergsma at Erica Adachi.
Si Bergsma ay isang spiker para may makatuwang si Santiago habang si Adachi ay isang setter na siyang pinagmulan ng opensa ng koponan.
Nakalaban ng Petron sa one-game finals ang Generika na sinuportahan ngayon ang koponang dating hawak ng AirAsia dahil hindi sumali ang Army.
Ang core players ng UAAP champion team La Salle at ang champion coach na si Ramil de Jesus ang bumuo sa Generika at pinalakas sa paghugot kina Natalia Kurobkova at Miyo Shinohara bilang imports.
Ngunit determinado ang Lady Boosters na makatikim ng titulo at itinatak ang marka sa ikatlo at ikaapat na sets tungo sa 25-21, 21-25, 25-15, 25-9, panalo.
Sa nagdaang season ay kinilala rin ng liga ang galing nina Salak at Bergsma na siyang hinirang bilang Most Valuable Players sa dalawang conference.
Naitala rin sa season ang kabiguan ng PLDT na kunin ang ikatlong sunod na kampeonato sa kalalakihan.
Nagkampeon ang koponan sa All-Filipino Conference nang kalusin ang Cignal HD Spikers pero binawian sila ng huli sa Grand Prix.
- Latest