Isa pang kabayo ni Abalos nanalo
MANILA, Philippines – Kinumpleto ng Malaya ang pagdodomina ng mga kabayong pag-aari ni Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos nang pagha-rian din nito ang Philracom Grand Derby na pinaglabanan noong Linggo sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Si Jonathan Hernandez pa rin ang dumiskarte sa tatlong taong filly na naipakita na kaya rin nitong manalo sa mahabang 2,000-metro distansya para ibulsa ang P600,000.00 unang gantimpala mula sa P1 milyong premyo na isinahog ng Philippine Racing Commission (Philracom).
Bago ito ay nakuha ng premyadong kabayo na Hagdang Bato ang 2014 Presidential Gold Cup na ginawa rin sa nasabing distansya. Hindi lamang nabawi ng kabayo ang titulong hawak noong 2012 kungdi nakapagbigay din kay Abalos ang P4 milyong premyo na nagmula sa PSCO (P3 milyon) at Philracom (P1 milyon).
Naorasan ang Malaya ng 2:08.6 sa distansya gamit ang kuwartos na 25, 24’ 26’, 26 at 26 para sa ika-10 panalo sa taong 2014.
Maganda ang kondisyon ng Malaya dahil mula simula hanggang sa natapos ang karera ay hindi nito binitiwan ang trangko para mapangatawanan ang pagiging paboritong kabayo kasama ang coupled entry na Kanlaon sa pagdiskarte ni Val Dilema. (AT)
- Latest