Nieto nangunguna sa MVP race ng UAAP juniors basketball
MANILA, Philippines – Nakuha ni Mike Nieto ang pangunguna sa MVP race ng juniors basketball ng UAAP season 77 matapos ang first round ng elimination.
Pero hindi puwedeng maging kampante ang slotman ng Ateneo Eaglets dahil matinding hamon ang ibinibigay nina Aljun Melecio ng De La Salle Zobel at Mark Dyke ng nagdedepensang kam-peong National University Bullpups.
Si Nieto na siyang nagsalpak ng winning jumper sa 66-64 panalo sa Bullpups, ay may nakuhang 69.8571 total Statistical Points matapos ang pitong laro.
Naghahatid si Nieto ng 15 puntos, 10 rebounds at 2.5 assists para makakuha ng 384 statistical points at binigyan pa ng 105 bonus points matapos ang 7-0 sweep ng Eaglets.
Sina Melecio at Dyke ay magkasalo sa ikalawang puwesto at kapos lamang ng mahigit na dalawang puntos kay Nieto sa magkatulad na 67.4286 TSP.
Si Melecio ang lumabas bilang top scorer ng liga sa 16.4 puntos, isinama pa ang tig-anim na rebounds at assists at may 1.7 steals.
Ang sentro ng NU na si Dyke ang hari sa rebounding sa kanyang 13.2 boards upang isama sa 14.3 puntos at 1.7 assists averages.
Nasa ikaapat na puwesto si Matt Nieto ng Ateneo bitbit ang palaban ding 62.5714 TSP habang si Joaquin Banzon ng DLSZ ang nasa ikalimang puwesto tangan ang 55.5714 TSP. (AT)
- Latest