Bob Arum gustong itakda ang Pacquiao-Mayweather fight sa Hunyo
MANILA, Philippines – Maliban sa kahalagahan ng petsang Mayo 2 o ‘Cinco De Mayo’ sa mga Mexicano, hindi rin kaagad maaasikaso ni chief trainer Freddie Roach si Manny Pacquiao.
Ito ang ilan sa mga dahilan kung bakit tutol si Bob Arum ng Top Rank Promotions sa naunang pahayag ni Floyd Mayweather, Jr. na itakda sa Mayo 2 ng susunod na taon ang kanilang upakan ni Pacquiao.
Ayon kay Arum, magiging abala ang iskedyul ni Roach, ang five-time Trainer of the Year awardee, sa unang mga buwan ng 2015.
Kaya naman gusto ni Arum na gawin ang Pacquiao-Mayweather super fight sa buwan ng Hunyo o Abril.
“A lot of it is working around Freddie Roach’s schedule (for Pacquiao). He has Zou Shiming March 7 fighting for a title. Then he has Miguel Cotto and he’s got to schedule his fight, probably May 2. So Manny will be either in April or June,” wika ni Arum sa panayam ng The Telegraph.
Huling nagsama sina Pacquiao at Roach nang dominahin ng Filipino world eight-division champion si American challenger Chris Algieri noong Nobyembre 23 sa Macau, China.
Sa kanya namang pagtanggap sa hamon ni Pacquiao ay iginiit ni Mayweather na itakda sa Mayo 2 ang kanilang mega showdown.
Sinabi ni dating Mexican world champion Canelo Alvarez na ang Mayo 2 o ‘Cinco De Mayo’ ay para lamang sa mga Mexican boxers.
Kinatigan ito ni Arum.
“Everybody agrees with that, except Mayweather,” sabi ni Arum. “He is putting his ego before respect for people. April or June would be fine for that fight (Mayweather-Pacquiao). What difference does it make?”
Kasalukuyang pinaplantsa ang laban ni Alvarez kay Puerto Rican Miguel Cotto sa Mayo 2.
Samantala, kung hindi magsasanay si Pacquiao ay tatayo muna siyang judge sa alinman sa 2015 Miss World o Miss Universe.
Sinabi ni Arum na may imbitasyon na para maging hurado ang Sarangani Congressman para rito.
“The only thing we’re planning with Pacquiao is that he’s going to be a judge at one of these beauty contests – Miss World or Miss Universe, the one in Miami, in January,” sabi ni Arum.
Ito ang unang pagkakataon na magiging hurado si Pacquiao ng isang beauty contest.
- Latest