Fort Rae nakasilat
MANILA, Philippines - Nakitaan uli ng magandang kondisyon ang kabayong Fort Rae nang makapagtala ito ng upset sa nilahukang karera noong Huwebes sa Metro Turf sa Malvar, Batangas.
Si Dan Camañero ang sumakay sa apat na taong colt at mahusay ang paggamit ng hinete ng latigo para mapalabas ang itinatagong bangis ng kabayo tungo sa panalo sa class division 1B sa distansyang 1,400-metro.
Ang outstanding favorite na Rightsaidfred na diniskartehan ni Jeff Zarate, ang nakaangat papasok sa rekta at lamang pa ng halos dalawang kabayong sa Fort Rae na pinatawan din ng pinakamabigat na handicap weight sa siyam na naglaban sa 57 kilos.
Ngunit tumugon ang kabayo sa paggamit ng latigo ni Camañero at sa huling 25-metro ay nakuha ang kalamangan tungo sa unang pagtawid sa meta.
Huling nanalo ang Fort Rae noon pang Nobyembre 15 sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite, ang win ng dehadong kabayo ay nagbigay ng P48.50 habang ang7-9 forecast ay may P71.50 dibidendo.
Isa pang kabayo na kuminang sa una sa dalawang gabing pangangarera sa MetroTurf Club ay ang Celeb’s Dancer na nagkampeon sa 3 Year Old & Above Maiden race para ibulsa rin ang pinaglabanang P10,000.00 premyo sa karerang suportado ng Philippine Racing Commission (Philracom).
Pumanglima ang Celeb’s Dancer sa alisan pero mahusay na dinahan-dahan ni jockey JD Flores ang pagpapainit sa kabayo at pagpasok sa rekta ay nakasabayan na ng mga nangungunang Hold Me Tight Baby at BW Connection.
Kumaripas pa ng takbo ang Celeb’s Dancer para maungusan sa meta ang Hold Me Tight Baby na sakay ni RO Niu sa 1,200-metro karera.
Nagpasok ang win ng P34.50 habang ang dehadong tambalan sa forecast na 4-3 ay nagpamahagi pa ng P476.50.
Walong karera ang pinaglabanan sa gabing ito at ang iba pang pinalad ay ang Security Choice sa race one, Love To Death sa race three, Red Pocket sa race four, Special Song sa race five, Karapatan sa race six at Palos sa race eight. (AT)
- Latest