Siguradong tututukan ang Presidential Cup
MANILA, Philippines - Lahat ng panatiko ng horse racing ay tiyak na tututok sa pista ng San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite sa Linggo para saksihan ang inaasahang klasikong labanan sa 42rd PCSO Presidential Gold Cup.
Anim na kabayo pero lima lamang ang opisyal na bilang, ang magsusukatan sa karerang paglalabanan sa 2,000-metro at handog ng Philippine Charity Sweepstakes Office.
Tampok na bakbakan ay sa pagitan ng nagdedepensang kampeon Pugad Lawin na didiskartehan ni Pat Dilema para kay Tony Tan Jr. at ang premyadong kabayo at 2012 PGC champion na Hagdang Bato na sasakyan ni Jonathan Hernandez.
Kakampanya ang kabayong pag-aari ni Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos kasama ang coupled entry na El Libertador na gagayaban ni AR Villegas.
Ang iba pang kabayo na magbabalak na makasilat ay ang Mr. Bond ni Fernando Raquel Jr. para kay Hermie Esguerra, My Champ ni Dan Camañero para sa Hideaway Farm Corp. at Kaiserlautern na hahawakan ni JPA Guce para kay Leonardo “Sandy” Javier Jr.
Ang My Champ ay sasali sa ikalawang sunod na taon at balak na pantayan kungdi man ang higitan ang pangalawang puwestong pagtatapos noong nakaraang taon.
Tiyak na ang benta sa karerang ito ay matutuon sa Pugad Lawin at Hagdang Bato na maglalaban ngayon sa magkatulad na timbang na 58.5 kilos.
Noong nakaraang taon, ang dalawang kabayong ito ang naglaban pero ang Hagdang Bato ay binigyan ng 58 kilos handicap weight laban sa 55 kilos ng Pugad Lawin.
Minalas ang Hagdang Bato nang tamaan ng pintuan ng aparato dahilan para maantala ang hanap na magandang alis.
Ito pa lamang ang ikalawang pagtutuos ng dalawang mahuhusay na kabayo sa taon at ang una ay nangyari sa PCSO Silver Cup na napagwagian din ng Pugad Lawin.
Ngunit umangat na ang kalidad ng Hagdang Bato para ipalagay na mababawi ng kabayo ang naisukong titulo.
Halagang P4 milyon ang unang gantimpala na mapapanalunan ng mananalong kabayo at ito ay galing sa PCSO (P3 milyon) at Philippine Racing Commission (P1 milyon). (AT)
- Latest