Tigresses, Tamaraws champion sa UAAP athletics competition
MANILA, Philippines – Tinapos ng Santo Tomas athletics team ang 11-taong paghahari ng Far Eastern University matapos makopo ang titulo sa katatapos lamang na UAAP Season 77 athletics tournament kamakailan sa Philsports oval.
Matapos lumikom ng kabuuang 478 points, tinanggalan ng korona ng Tigresses ang Lady Tamaraws na lumikom lamang ng 377 points para sa second place.
Ito ang ikalimang athletics title ng UST women’s tracksters na huli nilang natikman noong 2001.
Pumangatlo ang University of the East sa kanilang 259-points, sa-lamat sa mahusay na performance ni season MVP Jenyrose Rosales.
Hindi naman nabokya ang FEU sa four-day event dahil ang kanilang men’s ay nag-champion sa ikalimang sunod na taon.
Sa pangunguna ni Janry Ubas, itinanghal na tournament MVP, nagtala ang Tamaraws ng 479 points para sa kanilang record na 24th title.
Sorpresa namang tumapos ang De La Salle bilang second place sa kanilang 228 points kasunod ang UST na may 226 points.
Nagtala si Rosales ng bagong record sa 400-meter run sa kanyang naitalang oras na 54.45 seconds.
Nanalo rin ang 20-year old standout ng gold sa 400-meter hurdles sa kanyang bagong record na 1:01.15 at nanguna sa 200-meter race sa oras na 24.73 seconds at pumangalawa sa 800-meter race.
Nagtala naman si Ubas ng bagong record sa long jump (7.29 meters) at decathlon (6,521 points) at naka-gold din sa pole vault (4.30 meters) at triple jump (14.84 meters) at naka-silver sa high jump at javelin throw.
Ang long distance runner na si Louielyn Pamatian ng UST ang itinanghal na women’s Rookie of the Year matapos maghari sa 1,500-meter run at naka-bronze sa 400-meter at 800-meter run.
Si Brayan-Jay Pacheco ng FEU ang top rookie sa men’s division matapos maka-gold medal sa shot put at runner-up sa javelin throw at bronze medal sa discus throw.
Sa junior’s action, ang UE ay may 390 points para makopo ang titulo habang runner-up ang Ateneo (342) kasunod ang De La Salle-Zobel (175). Si Javier Gayoso ng Blue Eaglets ang itinanghal na MVP honors.
- Latest