Wall dinala ang Wizards sa panalo laban sa Clippers
WASHINGTON – Dalawang beses itong nangyari.
Tinapik ni John Wall ang bola kay Chris Paul, at tumama ang bola sa binti ng Los Angeles guard palabas.
Ang nasabing depensa ni Wall ay kasing halaga ng kanyang mga spin-move, up-and-under layup at mga assists.
Kinontrol ni Wall ang laro sa kanyang 10 points at 11 assists para tulungan ang Washington Wizards na wakasan ang nine-game winning streak ng Clippers sa pamamagitan ng kanilang 104-96 panalo.
“He isn’t going to tell you that, but I know this kid well enough to tell you that he was waiting for this game, he wanted to win this game,” sabi ni Wizards center Marcin Gortat kay Wall.
Ito ang unang panalo ni Wall sa kanilang pitong beses na paghaharap ni Paul.
Isinara ng Wizards ang first half sa likod ng isang 12-2 atake para kunin ang 57-42 bentahe at hindi na pinalapit ang Clippers sa walong puntos sa second half.
Umiskor si Beal ng season-high na 29 points, habang may 18 si Gortat para sa Wizards, naipanalo ang pito sa kanilang huling walong laro.
Tumapos naman si Paul na may 19 points, 7 rebounds, 6 assists at season-high na 6 turnovers sa panig ng Clippers.
Sa New Orleans, kumolekta si Tyreke Evans ng 31 points at 10 assists, habang dinuplika ni Ryan Anderson ang kanyang career high na walong 3-pointers para tumapos na may 30 point at igiya ang New Orleans Pelicans sa 119-114 panalo kontra sa Cleveland Cavaliers.
Iniwan naman ni forward Anthony Davis ang Pelicans sa 5:30 minuto sa first quarter matapos magreklamo ng pananakit ng dibdib.
Tumipa naman si LeBron James, nagbalik mula sa one-game absence dahil sa sumasakit na kaliwang tuhod, ng 41 points, habang may 21 si Love para sa Cavaliers.
Sa Minneapolis, humugot si Russell Westbrook ng 20 sa kanyang 34 points sa first half para pamunuan ang Oklahoma City Thunder sa 111-92 pananaig laban sa Minnesota Timberwolves.
Ito ang pang-limang sunod na panalo ng Thunder.
Nagdagdag si Kevin Durant ng 16 markers para sa Oklahoma City.
- Latest