P1-M nakataya sa PCSO Special Maiden Race
MANILA, Philippines - Tumataginting na P1-million ang nakatayang paglabanan ng 10 kalahok para sa PCSO Special 2-Year-Old Maiden Race na gaganapin mamayang hapon sa MetroTurf sa Malvar-Tanauan, Batangas.
Ang mga opisyal na nakadeklarang sumali sa pakarerang ito ng Philippine Charity Sweepstakes Office ay kinabibilangan ng Superv na sasakyan ni jockey CS Pare at pag-aari ni Edward Tan; Mayday – Deo Fernandez ng MF Farms Inc.; Thunder Maxx – Chris Garganta ni Manuel de Asis; Princess Jem – Jeffrey Bacaycay ni Antonio Callejas; Valenzuela – Jeffril Zarate ni Kon. Ferdie Eusebio; Song of Songs – Jonathan Hernandez ni Mayor Benhur Abalos Jr.; Boy Harabas – Jigger Paano ng Jab Fer Farms Inc.; Right As Rain – Fernando Raquel Jr. ni Juancho Ferariza; Oh Neng – Jordan Cordova ni Jose Villanueva; at Cat’s Dream – Alvin Guce ng SC Stockfarm Inc.
Ang first prize sa karerang ito na paglalabanan sa distansyang 1,400 meters ay P600,000 habang ang second at third prizes naman ay P225,000 at P125,000, ayon sa pagkakasunod. Meron ding breeder’s prize na P50,000.
Inaasahang bahagyang llamado ang Song Of Songs na siyang nanalo sa ginanap na Sweepstakes Trial noong nakaraang buwan.
Subali’t marami ang nagsasabing halos parehas ang tsansa ng iba pang mga kasali sa karerang ito dahil karamihan sa kanila ay nag-umento na matapos ang halos tatlong linggong pagsali sa nasabing trial na ginanap din doon sa MetroTurf.
Inaasahang dadalo rin sa naturang pakarera si PCSO Chairman at General Manager Jose Ferdinand Rojas II kasama ang iba pang mga matataas na opisyales ng PCSO.
Magkakaroon din ng isa pang P100,000 support race ang PCSO na bukas para sa lahat ng mga kabayong nasa Group 3.
- Latest