PSC mamamasko sa mga atletang nagbigay ng karangalan sa Pinas
MANILA, Philippines – Magkakaroon ng masaganang Pasko ang mga nanalo ng medalya sa Asian Beach Games sa Phuket, Thailand.
Ito ay dahil tatanggapin na ng mga nagwa-ging atleta at coaches ang kanilang insentibo mula sa PSC bukas matapos isagawa ang First Friday Mass sa Philsports Arena sa Pasig City.
Nanalo ang bansa ng tatlong ginto, dalawang pilak at pitong bronze medals at ito ay tutumbasan ng P100,000.00, P50,000.00 at P25,000.00 halaga ng ahensyang pinangungunahan ni chairman Ricardo Garcia.
Halagang P850,000,00 ang pondong lalabas sa PSC dahil kasama na ang mga winning coaches.
Pondo ng PSC ang pagkukuhanan dahil hindi kasama ang Asian Beach Games sa mga torneong kinikilala sa Incentives Act o RA 9064.
Nauna nang binigyan ng PSC ng insentibo ang mga nanalo sa Incheon Asian Games, ang dragon boat team na kuminang sa ICF World Championships at si Gabriel Moreno na nanalo ng ginto sa Youth Olympic Games.
Ang mga differently abled athletes na nanalo sa PARA Games sa Korea ay binigyan din ng P25,000.00, P15,000.00 at P10,000.00 gantimpala sa bawat ginto, pilak at bronze medals na napanalunan.
Ngunit hindi pa ito kinukuha ng mga nanalong atleta dahil maliit umano ito kumpara sa tinatanggap ng mga abled-athletes.
“If that is how they feel. They are not covered by RA 9064,” ani Garcia.
Maging ang mga taekwondo jins na nanalo ng tatlong ginto, dalawang pilak at tatlong bronze me-dals sa World Taekwondo Poomsae Championships sa Aguacalientes, Mexico at ang mga batang bil-yarista na sina Jeff Roda at Cheska Centeno na nanalo ng pilak at bronze me-dals sa World Junior Pool Championships sa Shanghai, China ay hindi makakatanggap ng insentibo.
Ito ay dahil sa ang world championships na kanilang sinasalihan ay ginaganap taun-taon na hindi sakop ng RA 9064.
Dahil dito, umaasa si Garcia na maipapasa na sa lalong madaling panahon ang panukalang baguhin ang nakasaad sa Incentives Act upang lahat ng nagbigay ng karangalan sa Pilipinas ay magantimpalaan. (AT)
- Latest