Tamang game strategy susi sa panalo ng Petron
MANILA, Philippines - Magandang diskarte sa match-up ang isa sa malaking dahilan kung kaya’t tinalo ng Petron Lady Blaze Spikers ang Generika Life Savers sa 2014 Philippine Superliga Grand Prix na handog ng Asics noong Linggo sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Inangkin ng Petron ang 25-21, 21-25, 25-15, 25-9 tagumpay laban sa Generika at kinatampukan ito ng kanilang pagbangon mula sa 3-10 iskor sa ikatlong set.
Si American import Alaina Bergsma ay tumapos na may 21 kills patungo sa kanyang 24 puntos at siya ang nanguna sa pagbangon ng Blaze Spikers nang pagningasin ang kahanga-hangang 11-0 atake.
“Kasama sa diskarte namin ang pagtapatin sina Bergsma at (Natalia) Korovkova. Isa rin sa ginawa namin ay atakihin ang ibang maliliit nilang players at nagbunga naman,” wika ni Pascua.
Hanggang sa huli ay hindi nagbago ang larong ipinakita ng 6-foot-3 na si Bergsma para ibigay sa kanya ang Most Valuable Player (MVP) trophy ng liga na inorganisa ng Sports Core at may suporta ng Air21, My Phone, Via Mare, Mikasa, Mueller Sports Medicine, Healthway Medical, Generika Drugstore, LGR at Jinling Sports bilang technical partners.
“When we started the season, we wanted to win the championship. That was our ultimate goal,” wika ni Bergsma na muntik nang hindi naglaro sa Petron dahil nang inalok ng puwesto ay dalawang buwan pa lamang silang kasal ng asawang basketbolista na si Kevin Colbe.
“It wasn’t an easy decision, but I have to do it. I have to set everything aside to leave for Manila to play professionally,” dagdag nito.
Bukod kay Bergsma, kinilala rin ang husay ng kakamping si Erica Adachi ng Brazil bilang Best Setter.
Pangalawang puwesto ang tinapos ng Life Savers pero sina Natalia Korovkova at Abigail Maraño ang kinilala bilang Best Opposite Spiker at Best Middle Blocker, ayon sa pagkakasunod.
Pahinga ang liga pero babalik ang aksyon sa Marso na kung saan may posibilidad na may mga bagong koponan pa ang papasok.
“There are two to three news teams na maaaring pumasok. We expect na mas mahihigitan ang aksyon ngayong taon sa 2015,” wika ni Sports Core president Ramon Suzara kaugnay sa susunod na season ng Super Liga.
- Latest